^

PSN Opinyon

257: Kamara, nagkaisa

ON POINT - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

May mga numero sa politika na mabilis lang dumaan sa mga headline, at mayroon namang mga numero na tunay na bumabago sa pambansang usapan. Ang numerong 257 ay isa sa mga iyon. Sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, hindi lamang naabot ng House of Representatives ang constitutional requirement — nagbigay ito ng isang napakalakas na political statement na sinupor­tahan ng mga district representatives mula Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa eksklusibong pakikipag-usap kay House Speaker Bodjie Dy, Majority Leader Sandro Marcos, at head ng pro­secution panel na si Cong. Gerville Luistro, iisa ang malinaw na mensahe: naniniwala ang Kamara na ginampanan nito ang constitutional duty nito nang maayos at responsable. Ayon kay Speaker Dy, nakita at nauunawaan umano ng publiko kung gaano kaseryoso hinawakan ng Kongreso ang impeachment proceedings.

“Nagsagawa ng hearings, sinuri ang mga dokumento, at maingat na tiningnan ang constitutional standards,” ani Speaker Dy. “Hindi ito personal na pag-atake laban kay VP Sara Duterte. Ginampanan lamang ng House ang constitutional duty nito ayon sa batas at tamang proseso.”

Para kay Speaker Dy, malaki ang kahulugan ng bilang na 257 dahil direktang humaharap ang mga mambabatas­ sa kanilang constituents araw-araw. Malinaw na ang House ngayon ay pinamumunuan ng isang matatag at disiplinadong liderato sa ilalim nina Speaker Bodjie Dy, Majority Leader Sandro Marcos, at mga Deputy Speakers.

Higit pa sa numero, ipinakita ng impeachment vote kung gaano kaisa ang House of Representatives sa gitna ng isa sa pinaka sensitibong political issues ngayon sa bansa. Hindi tulad ng online narratives na pinapalakas ng algorithms at organized political noise, direktang kaharap ng mga congressman ang mga tao sa kanilang distrito araw-araw. “Nabubuhay ang mga congressman sa tunay na suporta ng tao, hindi sa online trends,” dagdag ni Speaker Dy.

Sagot naman sa atin ni Pres. Bongbong Marcos Jr., “Ang House of Representatives ay kumilos nang independent at ayon sa kanilang constitutional mandate. Ang bawat congressman ay may sariling mandato mula sa kanilang constituents, at dala nila ang boses at sentimyento ng mga taong kanilang nire-representa.”

Inilarawan naman ni Majority Leader Sandro Marcos ang impeachment bilang isang institutional obligation at hindi simpleng political convenience lamang. “Hindi maaaring balewalain ng House ang mga alegasyong iniharap dito,” ani Marcos. “Kapag gumalaw na ang constitutional mechanisms, obligasyon ng Kongreso na kumilos.”

Sa panig naman ng prosecution panel, iginiit nilang kumilos ang House ayon sa constitutional bounds at institutional responsibility. Ayon kay Cong. Gerville Luistro, hindi sila nagulat na maraming ordinaryong Pilipino ang hindi sumama sa organized online attacks laban sa Kongreso. “Isa rin iyong anyo ng public acceptance,” paliwanag ni Cong. Luistro. “Sinunod namin ang proseso. Nagkaroon ng hearings. Nabigyan ng pagkakataon ang Vice President.” Ngunit isang bagay ang malinaw: nagsalita na ang House of Representatives nang buong lakas, at hindi na maaaring balewalain pa ang isyung ito.

KAMARA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with