Mga Aklanon tutol sa C-BB Project sa Malay, Aklan
MUKHANG ma-uunsyami itong Caticlan-Boracay Bridge Project sa Malay, Aklan matapos na sama-samang tutulan ito ng mga League of Municipalities of the Philippines (LMP)- Aklan Chapter at Philippine Concilor’s League (PCL)-Aklan Chapter.
Sa impormasyon ipinarating satin mga suki, sa Proposed Resolution No. 03, Series of 2026, hiniling ng LMP-Aklan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na muling pag-isipan ang proyekto dahil sa posibleng epekto nito sa mga Aklanon dahil sa pagkasira ng kalikasan, turismo at kabuhayan ng mga residente hindi lamang sa munisipalidad ng Malay, kundi maging sa mga kalapit na mga ka-bayanan at lalawigan na umaasa lamang sa kanilang trabaho at kabuhayan sa naturang pamosong tourist destination ng bansa.
Samantala, sa Proposed Resolution No. 2026-03, nagpahayag naman ng buong suporta ang PCL-Aklan sa Provincial Government of Aklan at Municipal Government of Malay sa kanilang pagtutol sa naturang proyekto. Naging pangunahing pagtalakay ang nasabing resolution sa session ng Sangguniang Panglalawigan nito lamang nakalipas ng Miyerkules, at agad na ipinarating sa Tanggapan ng DPWH o mismo kay Secretary Vince Dizon.
Kasi nga naman, oras na maisakatuparan na ang proyekto na na-award sa San Miguel Corp. na may P7.78 billion budget tiyak na marami ang mawawalan ng trabaho at ang masakit pa nito, hindi malayong mabababoy nang tuluyan ang Boracay dahil magiging labas-masok na ang mga ilegalista o mga tusong negosyante.
Ang masakit nito, mukhang ang epekto nito sa seguridad ay ang magiging pangunahing kahaharapin ng Malay, Aklan Local Government Units (LGUs) at local Philippine National Police dahil ang makaka-kopo ng mga malalaking negosyo ay itong mga multi-national business company at ang mga local na negosyante ay ‘di malayong ma-itsapwera sa naturang lugar. Kaya naman, hinihiling nitong mga government officials kay Sec. Dizon na pag-aralan maigi bago tuluyang simulan ang construction ng naturang tulay na mag-uugnay sa isla ng Boracay at ng Malay Municipal.
Kasi nga, unang tatamaan dito ang may 96 Ferry Workers na mawawalan ng trabaho, maging ang mga tricycle ay siguradong tuluyan nang mawawala sa naturang lugar. Kaya’t may huring-huring na “malaking datung” ang naka-subo sa mga gahaman sa pamahalaan kaya’t pilit na isinusulong ang construction ng naturang tulay.
Sa tingin kasi ng aking mga nakausap, papaano mababawi ang P7.78 billion kung ang babasihan lamang ay itong tulay na mag-uugnay sa isla ng Boracay at Malay Municipal. Magkakaroon din kaya ng ‘Toll Gate’ ang bawat dadaan sa naturang tulay? Abangan!
- Latest

















