^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Paglalaro sa batas ng tatlong pugante

Pilipino Star Ngayon

Pinaglalaruan ang batas. Ito ang maitu­turing na ginagawa ng tatlong maiimpluwensiyang pugante sa bansa—sina gaming tycoon Charlie “Atong” Ang, dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, at dating police superintendent Rafael Dumlao III. Kamakailan, kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nagpalabas na ng Red Notice ang Interpol laban sa tatlo para tugisin ang mga ito sa labas ng bansa. Ang Red Notice ay panawagan sa mga banyagang gobyerno na hanapin at arestuhin ang mga wanted.

Pero ang masakit na katotohanan: pinaniniwalaan ng mga awtoridad na nasa Pilipinas pa ang tatlong pugante! Tama ang pambubulyaw ni Remulla sa Philippine National Police (PNP). Sabi niya: “May 200,000 kayo, tapos tatlong tao lang hindi n’yo mahanap?” Malaking sampal ito sa PNP na sa kabila ng kanilang bilyun-pisong intelligence fund at daan-daang libong puwersa, napakadulas ng tatlo. Magaling ba silang magtago,” o mahina ang mga naghahanap?

Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi sila madakip. Dahil sa kanilang background at impluwensiya, malakas ang hinala ng publiko na mga korap na pulis ang nagpuprotekta sa kanila. Si Ang, na utak umano sa pagkawala ng 34 na sabungeros, ay kilalang may mga aktibong sundalo at pulis sa kanyang payroll bilang mga personal bodyguard. Si Bantag naman, na mas­termind sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid, ay dating hepe ng Bureau of Cor na may sariling galamay sa loob ng ahensya. Habang si Dumlao, na utak sa malagim na pag­patay sa Koreanong si Jee Ick-joo sa loob mismo ng Camp Crame, ay produkto ng bulok na sistema ng PNP noong panahon ng drug war.

Ang tanong: Nasaan ang konsensiya ng mga ahensiya? Kay Dumlao na lang, nakuha ng kanyang grupo ang P3 milyong ransom na hina­lang ginagamit pa rin ng kanyang pamilya. Ba­lita pa na ang asawa ni Dumlao ay nagtatrabaho sa National Bureau of Investigation (NBI). May proteksiyon ba si Dumlao mula sa loob ng NBI? Dapat lang na sampahan din ng kasong kriminal ang sinumang napatunayang nagkakanlong at tumutulong sa mga pusakal na ito, opisyal man o kamag-anak.

Kahit maglabas pa ng isang libong Red Notice ang Interpol, mawawalan ito ng saysay at magiging drowing lang kung walang sapat na “follow-through” o seryosong pagkilos mula sa mga awtoridad. Nagsasawa na ang mamamayan sa mga press conference at tila palabas na imbestigasyon habang ang mga kriminal ay nagpapasarap sa ilalim ng proteksiyon ng mga ganid na opisyal. Kumilos naman kayo! Ipakita ng PNP at DILG na may pangil ang batas. Talo ang mamamayan kung makapang­yarihan ang perang panuhol kaysa sa hustisya. Huwag hayaang paglaruan ang batas. Uhaw na sa hustisya ang mga kaanak ng biktima.

BATAS

CHARLIE “ATONG” ANG

GERALD BANTAG

RAFAEL DUMLAO III

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with