EDITORYAL — Bantayan pagdami ng dengue cases
NAGSISIMULA na ang tag-ulan. Kahit wala pang iniaanunsiyo ang PAGASA sa pagsisimula ng rainy season, nagpapakita na ng senyales na malapit na ito. Kahapon ng gabi, umulan nang malakas sa maraming bahagi ng Metro Manila. Naibsan ang matinding init na nadarama sa ilang oras na pag-ulan.
Ang isang labis na kinatatakutan sa pagsapit ng tag-ulan ay ang pagtaas ng kaso ng dengue. Kapag opisyal nang nagsimula ang tag-ulan, tiyak nang darami ang lamok na naghahatid ng dengue. Mabilis na dadami sapagkat mapupuno ng tubig ang mga pinangingitlugan—mga botelyang plastic, paso ng halaman, tinapyas na gulong ng sasakyan, kanal na hindi umaagos at iba pang tinitigilan ng tubig o baha.
Mabilis dumami ang mga lamok na Aedes Aegypti kaya iglap lamang ay marami nang mabibiktima. Madaling makilala ang lamok na ito dahil may guhit na puti sa katawan.
Ayon sa Department of Health (DOH) nakapagtala na sila ng 7,471 dengue cases sa buong bansa mula Enero 4 hanggang Abril 4, 2026. Mababa naman ito sa naitalang 25,652 kaso noong nakaraang taon sa parehong panahon. Malaki umano ang nagawa ng DOH’s Alas Kwatro Kontra Mosquito campaign.
Noong nakaraang taon, nakipag-ugnayan ang DOH sa Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs) para sa paglulunsad ng kampanya laban sa dengue.
Sa Hunyo 8 ay simula na ng pasukan sa pampublikong eskuwelahan. Mga bata ang karaniwang nabibiktima ng dengue. Mas mainam na ipatupad ng DepEd na pagsuutin ng jogging pants ang mga bata para may proteksiyon sa lamok. Magsagawa naman ng regular na paglilinis sa bakuran ng mga eskuwelahan upang mapuksa ang mga lamok na naghahatid ng dengue.
Noong Pebrero 2025, nagdeklara ng dengue outbreak ang Quezon City. Agad pinakilos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lahat ng tanggapan para matulungan ang mga apektado. Lahat ng QC Health Centers ay bukas tuwing Sabado at Linggo. Naglatag din ng fever express lane sa lahat ng city’s health centers at hospitals upang magamot ang QCitizens na may dengue. Nagkaroon ng paglilinis sa mga barangay. Madaling naagapan ang pagdami ng kaso ng dengue dahil sa pagkilos ni Belmonte.
Ang kalinisan sa bahay at sa kapaligiran ang mabisang panlaban sa mga lamok na naghahatid ng dengue. Panatilihin ang kalinisan para walang mga lamok na magiging banta sa buhay. Magsagawa pa ng kampanya ang DOH para maipaalam sa mamamayan ang wastong paglaban at pag-iwas sa dengue. Ang pagtutulung-tulong ng mga residente sa paglilinis sa kapaligiran ay epektibong paraan para mabilis na malipol ang mga lamok na nagdudulot ng dengue.
- Latest















