Jean D: Pinay Night Sitter sa Singapore
Merong umiiral na programa sa Tan Tock Seng Hospital (TTSH) sa bansang Singapore na kumukuha ng mga boluntaryong tinatawag na night sitter para bantayan, samahan, at kausapin ang mga matatandang pasyente rito sa gabi na maaaring magdamag o madaling-araw. Sila ang nagbabalita sa mga nurse kung merong kakaibang nangyayari sa pasyente.
Pinakakalma nila ang pasyenteng balisa o inaasikaso ang simpleng pangangailangan ng mga ito tulad ng maiinom na tubig.
Ayon sa isang artikulo sa CNA (Channel News Asia), merong mga aktibong night sitter na pumapasok nang ilang beses sa isang linggo habang ang iba ay lingguhan kung dumarating. Walang minimum na bilang ng mga gabi kada linggo na kailangan nilang ipasok sa ospital.
Saklaw ng programa ang apat na wards na nangangalaga sa maraming pasyente na laging nanganganib na matumba o mahulog at meron nang dementia.
Maaaring pumili sa dalawang shifts ang night sitter. Maaaring mula alas-9:00 ng gabi hanggang hatinggabi o alas-4:00 ng madaling-araw hanggang alas-7:00 ng umaga. Konti lang ang rekisitos para matanggap na night sitter.
Dapat mahigit 18 anyos ang edad at nasisiyahang makipag-usap sa mga senior citizen.
Meron naman silang mga regular na trabaho nang magbolunyaryo sila sa naturang programa. Bilang boluntaryo, asahan nang walang tinatanggap na suweldo ang isang night sitter bagaman maaaring mabigyan sila ng pagsasanay o oryentasyon o pagkilala.
May mga patuloy na sumasali sa programa kahit walang sahod dahil sa makukuhang karanasan lalo na kung balak nilang pumasok sa larangan ng healthcare, kaganapan sa sarili, o pakiramdam na nakakatulong sila sa matatandang pasyente.
Isa sa mga night sitter na ito ang 46-anyos na Pilipinang domestic worker na si Jean Tanza Dagatan na matagal nang nagtatrabahong care-
giver sa kanyang 91-anyos na amo na sinasamahan niya lagi sa mga pagpapatingin nito sa TTSH.
Dahil dito, natutunan niya ang tamang teknik sa caregiving at nais niyang gamitin ang kasa-
nayang ito sa pagtulong sa iba.
Dagdag pa rito, nag-aral ng isang kursong nursing si Dagatan tuwing Linggo mula noong Hunyo 2024 hanggang Marso 2025 at nahikayat siyang magboluntaryo sa isang lokal na ospital o nursing home para makakuha ng karanasan. Naging night sitter siya mula noong Mayo 2025.
“Mapaghamon ang mga gabi sa ospital at gusto kong tulungan ang mga nangangailangan,” sabi ni Dagatan sa Ingles.
“Tugma naman sa iskedyul ko ang Night Sitters programme.”
Bago niya iwanan ang kanyang employer para makapasok siya bilang night sitter sa 9 pm shift sa TTSH, inihahanda na niya ang lahat ng pagkain at pangangailangan ng kanyang amo. Merong security camera sa bahay ng amo kaya namo-monitor niya ito kahit nasa ospital siya.
“Gusto ng maraming pasyente na makipag-u-
sap sa akin kapag hindi sila makatulog,” sabi ni Dagatan.”
Madalas, nakikinig lang ako at hinahayaan ko lang silang sabihin ang naiisip nila. Natatandaan ko ang isang pasyente na hinawakan ang kamay ko at ibinahagi ang kanyang mga hirap at agam-agam.
Sinabihan ko siyang huwag masyadong mag-isip at sikaping maging masaya pero tinitiyak ko sa kanya na narito lang ako na nakaalalay sa kanya.
Ang mga sandaling ito ang nagdudulot sa akin ng pakiramdam na napakahalaga talaga ng presensiya ko kahit sa maliit na paraan.”
Hinihikayat din ni Dagatan ang mga nursing classmate niya na lumahok sa Night Sitters programme.
Para sa kanya, napakahalaga nito hindi lang para sa mga caregiver kundi sa sino mang gustong magkaroon ng karanasan sa pagtulong sa mga taong nangangailangan.
Binago din nito ang kanyang pagkatao at pinalakas ang kanyang interes sa sangkatauhan.
* * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest















