ICC warrant vs. PH courts — sino ang tama?
Umiinit ngayon ang banggaan ng administrasyon at Duterte bloc dahil sa usapin ng ICC warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Ang tanong: maaari bang direktang ipatupad sa Pilipinas ang warrant mula sa International Criminal Court kahit walang basbas ng lokal na hukuman?
Naninindigan ang gobyerno na may legal basis sila. Ayon sa kanilang panig, kahit umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019, sakop pa rin ng ICC ang mga alegadong krimeng nangyari habang miyembro pa ang bansa. Ginagamit din nilang batayan ang Republic Act No. 9851, na nagpapahintulot sa pakikipagtulungan sa international tribunals sa ilalim ng generally accepted principles of international law.
Ngunit mariing kinokontra ito ng Duterte camp at maging ng bagong tatag na majority bloc sa Senado. Para sa kanila, hindi maaaring basta ipatupad ang international warrant nang hindi dumaraan sa Philippine courts. Usapin umano ito ng due process, constitutional rights, at pambansang soberanya.
Pero sa sariling interpretasyon ko, may puntos dito ang administrasyon. Hanggang ngayon, ang ginawang pagdala kay dating Pres. Rodrigo Duterte ay hindi kailanman idineklarang mali o ilegal ng anumang korte. Walang temporary restraining order. Walang naging desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing lumabag ang gobyerno sa batas. Sa legal at political reality, iyon ngayon ang nagiging precedent.
Iyan marahil ang tunay na dapat ikabahala ni Sen. Bato dela Rosa. Maaari siyang nakabuo ng bagong mayorya sa Senado, at aminin natin, napakabilis ng pangyayari — halos kasimbilis ng pagtakbo niya sa loob ng Senado at kasimbilis din ng pagkawala niya roon matapos lumabas ang usapin ng warrant. Ngunit dito pumapasok ang mas seryosong punto: sana ganyan din kabilis ang Korte Suprema sa pagdedesisyon sa isang usaping may malaking epekto sa batas, soberanya, at constitutional rights.
Dahil habang nagtatalo ang magkabilang kampo, lumalalim ang legal uncertainty sa bansa. Kapag mali ang gobyerno, maaaring may nalalabag na constitutional protections. Ngunit kung mali rin ang interpretasyon ng kabilang kampo, maaaring magmukhang umiiwas ang Pilipinas sa international accountability.
Kaya hindi sapat ang privilege speeches, press conferences, at bangayan sa social media. Ang dapat magsalita ngayon ay ang Korte Suprema. Sila ang final interpreter of the law. Dapat nilang linawin kung paano dapat tratuhin ng Pilipinas ang ICC warrants at iba pang international legal processes.
At sana, huwag na nilang hintayin na maging “moot and academic” muli ang usapin bago kumilos — gaya ng nangyari sa Carandang case. Dahil habang tumatagal ang katahimikan ng Korte Suprema, mas lumalakas ang ingay ng pulitika — at sa huli, ang batas ang posibleng unang matalo.
- Latest



















