^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Perwisyo ng nasunog na Navotas landfill

Pilipino Star Ngayon

MAHIGIT isang buwan na nasunog ang Navotas sanitary landfill. Malaking perwisyo ang idinulot sapagkat sumama ang kalidad ng hangin sa maraming lugar sa Metro Manila partikular ang Quezon City, Malabon City, Valenzuela City, Maynila, at Obando, Bulacan. Sa mahigit isang buwan na nasunog, kinailangang mag-face mask ang mga residenteng nasa paligid ng landfill. Napa­kadelikado kapag nalanghap ang usok. Sabi ng Department of Health (DOH), mapanganib ang hangin kapag nalanghap ng senior citizens, mga buntis, mga bata at mga may respiratory problems. Ayon sa DOH, hindi sapat ang regular na face masks para maprotektahan sa usok na galing sa landfill. Dapat gumamit ng N95 o K95 masks para maproteksiyunan sa pinong particles. Pumapasok umano sa baga ang pinong particles at maaring magdulot ng malalang sakit lalo na sa mga bata at matatanda.

Kamakalawa, si President Ferdinand Marcos Jr. pa ang nag-anunsiyo na tuluyan nang naapula ang sunog. Kinilala ng Presidente ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor upang masawata ang sunog at maprotektahan ang mga komunidad.

Nakapagtataka naman kung bakit ang ­Presidente pa ang naghayag na naapula na ang sunog. Nasaan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may responsibilidad sa nasunog na landfill? Ang DENR dapat ang nanguna sa pagsasagawa ng mga paraan para ganap na maapula ang sunog. Subalit tila walang aksiyon ang kagawaran sa nangyari.

Nasunog ang 40-ektaryang tambakan ng basura sa Navotas noong Abril 10, 2026. Ang naipon na methane gas mula sa basura ang itinuturong dahilan ng sunog. Kahit pa maraming trak ng bumbero ang nagtulung-tulong para masawata ang sunog, hindi ito ganap na naapula sa madaling panahon.

Pinalala ng sunog ang problema ng air pollution sa Metro Manila. Sa loob ng isang buwan, tiyak na maraming bata at mga senior citizens ang nagkasakit. Ayon sa DOH, ang mga sakit na idinudulot ng air pollution ay acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases at cardiovascular diseases.

Ang DENR ang may responsibilidad sa lumalalang problema ng air pollution hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa. Hanggang ngayon, patuloy pa ring yumayaot ang mga karag-karag na sasakyan na nagbubuga ng nakalalasong usok. Patuloy pa rin ang paggamit ng incinerators sa pagsunog ng basura.

Isinabatas ang Clean Air Act of 1999 upang maging malinis ang nilalanghap na hangin hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa. Subalit hindi ito naipatutupad ng DENR. Kawawa naman ang mga susunod na henerasyon na hindi na makalalanghap ng dalisay na hangin.

LANDFILL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with