Journalism o extortion?
Isang malakas na sampal sa mukha ng mga “independent” social media o vloggers ang pagkakaaresto kay Franco Mabanta, ang founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), sa isang entrapment operation ng NBI.
Ito ay sa pangingikil umano ng P300 milyon kay dating House Speaker Martin Romualdez kapalit ng hindi paglabas ng mga video na nag-uugnay sa isang mataas na opisyal sa korapsyon.
Ang akusasyong P300 milyong kikil ay hindi maliit na bagay dahil ito ay direktang paghamon sa integridad ng batas.
Kung sakali na mapatunayang totoo ang alegasyon, ito ay babala sa lahat ng vloggers na ang impluwensiya ay hindi panangga laban sa batas.
Kaya’t kung ang isang tao ay nakakuha ng libu-libong tagasunod, kaakibat nito ang malaking responsibilidad.
Ang pagkaaresto kay Mabanta ay nagbubukas ng mas malalim na usapin kung hanggang saan ang pananagutan ng mga tinatawag na “influencers” at nagbukas muli sa usapin ng etiketa sa digital world.
Bagama’t sumisigaw si Mabanta na siya ay inosente at na-setup lang na bahagi ng kanyang depensa ay dapat ipaliwanag niya sa korte ang ebidensyang video na hawak ng NBI.
Kung ang mga video ni Mabanta ay naglalaman ng katotohanan tungkol sa korapsyon ay dapat itong ilabas ng tama at hindi gamitin para sa extortion.
Subalit, kung totoo ang extortion ay panahon na para linisin ang social media sa mga nagpapanggap na internet crusader.
Ngayong panahon ng disinformation ay madaling magtayo ng media channel at magpanggap na boses ng taumbayan.
Kaya’t paalala na maging mapanuri ang publiko dahil maraming nilalaman sa Facebook at YouTube ang ginagawa hindi para maghatid ng katotohanan kundi para manipulahin ang opinyon o katulad ng kasong ito para kumita ng maraming pera.
Ang kasong ito ay tungkol din sa accountability at sa panahon ng fake news at toxic online culture, kaya kailangan nating magbantay.
- Latest


















