Bangkay na pinalitan, katarungang nilibing
HINDI lang buhay ang nawala sa Toboso 19 massacre. Pati dignidad ng mga biktima, tila tinapon na parang basahan.
Sa gitna ng pagdadalamhati ng pamilya ni Errol Wendel, isang nakakagimbal na rebelasyon ang lumabas: hindi pala siya ang nasa kabaong na iniuwi nila. Isipin mo ‘yon—hindi lang pinatay, parang binura pa ang pagkatao.
Si Errol ay staff ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), nakikisalamuha sa mga manggagawang bukid at sacada sa Negros para ilantad ang gutom, mababang sahod, at kawalan ng lupa. Hindi siya kriminal. Hindi siya warlord. Pero ngayon, pati bangkay niya, nawawala.
Ayon kay Raquel Fortun, hindi si Errol ang bangkay na inilabas sa pamilya. Mas malala pa, hindi raw pinasilip ang mismong labi sa loob ng kabaong. Larawan lang ang ipinakita habang bantay-sarado pa ng pulis ang punerarya. Para bang may ayaw makita ang publiko.
Habang lumalalim ang imbestigasyon, mas bumibigat ang tanong: bakit may mga tama ng bala sa likod? Bakit may senyales ng pananakit? At bakit tila minadali at magulo ang paghawak sa mga bangkay at ebidensya?
Kung malinis ang operasyon, bakit parang may tinatakpan?
Nanawagan ngayon ang UMA sa Commission on Human Rights para sa independiyenteng imbestigasyon at pananagutan sa lahat ng sangkot —hindi lang sa pagpatay, kundi pati sa mala-hayop na pagtrato sa mga labi ng mga biktima.
Dahil sa bansang ito, minsan hindi lang tao ang nililibing. Pati katotohanan!
Disklaymer: Ang artikulong ito ay komentaryo at opinyong pampubliko batay sa mga ulat at paunang impormasyon na lumabas sa media. Bukas pa rin sa independiyenteng imbestigasyon at legal na proseso ang lahat ng alegasyon kaugnay ng insidente.
- Latest

















