PRO3 tutok sa peace and order
Iba at maganda ang resulta ‘pag ang mismong pinuno o hepe ang nangunguna at “hands on” sa kanyang tungkulin tulad ng ipinakikita ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa pamamahala ni Regional Director PBGen Jess B. Mendez.
Mas pinaigting pa kasi ngayon ng PRO3 ang kanilang presensya sa mga lansangan ng Central Luzon sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na checkpoint operations at police visibility bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas at mas maayos na komunidad.
Sa direktiba ni Mendez, mas maraming pulis ang nakadeploy sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad upang tiyakin ang kapayapaan, kaayusan, at agarang responde sa anumang banta sa seguridad ng publiko.
Epektibo ang implementasyon ng “90% deployed, 10% stay-behind” deployment scheme dahil halos lahat ng available na pulis ay inilalagay sa field upang magsagawa ng checkpoint, police patrols, at pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa sa buong rehiyon. Dapat ganyan ang puwersa ng PNP kung peace and order ang prayoridad.
Ito rin ang nakikita ng mga taga Central Luzon, kung saan bumaba ang krimen dahil mataas ang police visibility at nagbigay ng seguridad sa mga residente, commuters, at maging ng mga negosyante sa rehiyon.
Mula Abril 6 hanggang Mayo 7, 2026, nakapagtala ang mga lokal na himpilan ng pulisya sa rehiyon ng kabuuang 102,014 violators kaugnay ng pagpapatupad ng iba’t ibang city at municipal ordinances.
Karamihan sa mga naitalang paglabag ay may kaugnayan sa city ordinance at traffic code violations na umabot sa 29,767 kaso. Sinundan ito ng pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar na may 28,937 violators, curfew violations ng mga menor de edad na may 21,092 kaso, at mga indibidwal na pagala-gala sa lansangan nang walang malinaw na dahilan na umabot sa 16,024.
Sa kabuuang bilang, 31,705 violators ang pinagmulta na nakalikom ng mahigit ?11.9 milyon, habang higit 70,000 naman ang pinayuhan at pinalaya matapos maitala at maipaliwanag sa kanila ang umiiral na mga lokal na ordinansa.
Pinakamataas ang naitalang violators sa Nueva Ecija PPO na may 24,963, kasunod ang Bulacan PPO na may 20,227 at Pampanga PPO na may 17,081 — patunay ng pinaigting na enforcement efforts ng mga pulis sa rehiyon.
Naniniwala pa rin kasi si Mendez na mahalagang mapanatili ang malakas na police presence sa komunidad upang mas maging epektibo ang pag-iwas sa krimen at mabilis na pagresponde sa mga suliranin ng publiko.
- Latest
















