‘Negative Certificate of Birth, 6 months dedbol na’
O, malinaw na sabi ng Philippine Statistics Authority, simula ngayon, ang Negative Certification of Birth may buhay na lang na anim na buwan mula sa petsa ng paglabas. ‘Pag lampas, patay na ito hindi na uubra kahit saan.
Para sa ‘di pamilyar, ang Negative Certification of Birth ay patunay na walang record ng kapanganakan sa database ng gobyerno sa mismong araw na inisyu. Kadalasan ‘to hinahanap kapag late ka na magpa-rehistro ng kapanganakan o may inaasikasong papeles sa civil registry.
Ayon kay Dennis Mapa, iba ‘to sa birth, death, at marriage certificates na may permanenteng bisa sa ilalim ng Republic Act No. 11909. Bakit? Kasi ang negative certification, parang snapshot lang kung ano ang estado ng record sa araw na ‘yon. Pwedeng bukas, may lumabas nang record. Gets?
Problema kasi, maraming gumagamit ng luma at paso nang sertipikasyon. Doon pumapasok ang kalokohan pwedeng abusuhin, pwedeng dayain. Kaya hinihigpitan: anim na buwan lang para siguradong sariwa ang datos at malinis ang proseso.
Diretso ang bilin: kapag lampas anim na buwan ang dala mong negative certification, huwag ka nang umasa hindi na tatanggapin para sa late registration o kahit anong transaksyon sa civil registry. Lahat ng opisina, walang palusot sumunod o managot.
Sa madaling sabi: kung may aasikasuhin kang papeles, huwag kang kampante sa luma mong dokumento. Dito, hindi uso ang “pwede na ‘yan.” Ayusin mo habang sariwa pa—kundi, ikaw din ang maiiwan sa pila.
Disclaimer: Ang teksto ay salin at adaptasyon lamang ng ulat para sa layuning impormasyon at komentaryong pampubliko.
- Latest















