EDITORYAL May nakahanda bang evacuation centers?
PUMUTOK ang Mayon Volcano noong Sabado. Nagbuga nang maraming abo at naapektuhan ang maraming lugar sa Albay. Kabilang sa mga labis na naapektuhan ang Guinobatan, kung saan maraming abo ang bumagsak. Dahil sa rami ng abo, nag-zero visibility sa buong bayan. Maraming motorista ang nahirapang magbiyahe dahil hindi makita ang daan. Kabilang pa sa mga apektadong lugar ang Camalig, Albay, Ligao City at Daraga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs), nagpapatuloy pa ang lava effusion at ang pagbuga ng abo. Pinayuhan ang mga residente na mag-face mask at manatili sa loob ng kanilang bahay upang maiwasan ang masamang epekto ng abo. Maraming bahay ang nanganganib bumagsak dahil sa rami ng abo sa bubong. Ang mga pananim gaya ng palay at mga gulay ay nabalot ng abo. Ang mga kalsada ay nababalot nang makapal na abo kaya nahihirapang dumaan ang mga sasakyan. Gumamit na ng buldoser ang DPWH para maalis ang makapal na abo.
Wala namang naiulat na nasaktan sa pagputok ng bulkan at wala ring naiulat na nawasak ang bahay. Hindi rin naman nagsagawa ng evacuation sa mga residenteng malapit sa bulkan.
Kung nagkaroon ng paglilikas sa mga residente, problema na naman kung saan sila dadalhin. Walang evacuation center na sisilungan. Kawawa na naman ang mga bata at matanda. Paano kung magpatuloy ang pag-aalburuto ng bulkan? Paano kung magbuga pa nang maraming abo?
Hindi lamang ang pagputok ng bulkan ang kinatatakutan ng mamamayan, kundi pati na ang pagdalaw ng mga bagyo. Sa loob ng isang taon, 24 na bagyo ang dumadalaw at pawang mapanira. Halimbawa rito ang Bagyong Yolanda na tumama sa mga probinsiya sa Visayas noong Nobyembre 2013 at nag-iwan nang maraming patay. Maraming bahay ang nawasak.
Nang tumama ang Bagyong Ondoy noong Setyembre 2009, nagdulot ng pagbaha sa Metro Manila. Maraming namatay. Maraming bahay ang nasira.
Maraming kalamidad ang tumatama sa bansa at sa kabila nito, walang matibay at kumpleto at desenteng evacuation centers sa bawat bayan. Kapag binagyo, binaha, nilindol at pumutok ang bulkan, ang mga pampublikong eskuwelahan ang tinutuluyan ng mga kawawang mamamayan.
Sa nilagdaang 2026 national budget, may nakalaang P3.6 bilyon para sa construction ng mga evacuation centers o ang tinatawag na Ligtas Pinoy Centers. Nasa ilalim ito ng pamamahala ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Isakatuparan ang paglikha sa desenteng evacuation centers upang hindi maging kaawa-awa ang mga biktima ng kalamidad.
- Latest





















