Chinese dumagsa dahil sa POGOs, pastillas scam

Oct. 2024 nag-algorithmic audit ang Philippine Statistics Authority ng birth, death, at marriage certificates. Agad nabisto ang 1,627 pekeng rehistro, pati pag-computer editing para palitan ang genders.
Nirepaso ng PSA lahat ng late registrations ng birth certificates nu’ng 2010-2024. Sakop ang civil registries ng 149 lungsod at 1,493 munisipyo. Lumitaw ang 50,532 peke, halos lahat ay Chinese na biglang naging Filipino citizens.
Halos lahat ay naganap nu’ng Pangulohan ni Rodrigo Duterte, 2016-2022, ani NBI Director Melvin Matibag. Bukod sa PSA, nakikipagtulungan ang NBI sa Bureau of Immigration, Philippine Retirement Authority, at Presidential Anti-Organized Crime Commission sa pag-imbestiga ng malalang butas sa seguridad.
Unang pumuslit ang Chinese sa Subic Freeport: P50,000 kikil kada bungo. Biglang yaman ang barangay chairman na nagpa-kandidato kay Duterte na Pangulo. Kasapakat niya ang retiradong cabinet member na taga-Davao City ni Duterte.
Pumuslit ang mga kapitalistang Chinese na nais tumulad sa mga naunang nagmina ng nickel at magnetite. Merong nagtrabaho sa bagong Philippine Offshore Gaming Operations. May ilang espiya, at mga kriminal na kumikidnap o nangingikil sa mga kapwa-Chinese.
Nu’ng 2017 binuksan ni Duterte ang international gateways sa lahat ng uri ng Chinese. Dumagsa ang POGOs sa ilalim ni special presidential economic adviser Michael Yang. Bukod sa Bamban, Tarlac, lumago ang POGOs sa Porac at Clark field, Pampanga, Metro Manila, Metro Cebu, at Metro Davao.
Naki-raket ang mag-amang Immigration executives. Binuo ang “pastillas scheme”. Apat na dosenang Immigration officers sa air at seaports ang taga-kolekta sa Chinese ng tig-P100,000 cash nakarolyo sa puting papel. Parang pastillas, anang saliksik ni Sen. Risa Hontiveros.
- Latest















