Ebidensya ng NBI matinding hamon sa Sara impeachment
Patuloy ang pag-init ng pulitika sa bansa matapos makitaan ng sapat na basehan ng House Justice Committee ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa yugto ng prosesong ito ay malaking papel ang ginagampanan ng National Bureau of Investigation (NBI), na nagprisinta ng mga video at testimonya na nag-uugnay sa Bise Presidente sa mga seryosong akusasyon, kabilang ang inciting to sedition at grave threats.
Tinutukoy ng NBI na ang mga pahayag ni VP Duterte hinggil sa umano’y mga banta nito, na ayon sa kanila ay hindi lamang basta reaksyon kundi may bahid na ng krimen.
Sa impeachment hearing ay sinabi ni NBI Director Melvin Matibag sa mga miyembro ng Justice committee na tinatangka nilang makilala at matukoy ang assassin na kinausap ng Bise para umano patayin si Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos at noo’y Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sinabi ni Matibag na batay sa imbestigasyon ng NBI, ang banta ay seryoso at kasama sa kanilang binabantayan ang mga miyembro ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Agad namang binuweltahan ng kampo ni VP Duterte ang findings ng NBI at sinabi ng mga abogado na “curated” o “spliced” (pinagdugtong-dugtong) ang mga ebidensyang ipinakita ng NBI upang palabasin na nagkasala ang Bise. Ayon sa depensa, hindi buo ang konteksto ng mga pahayag at tila may sinusunod na agenda ang ahensya.
Kaya pumapasok ang malaking katanungan kung mapagkakatiwalaan ba ang NBI, o ginagamit lamang ito bilang kasangkapan ng administrasyon para pabilisin umano ang impeachment.
Ang impeachment ay hindi lamang legal na proseso, kundi isang politikal na labanan at ang bawat hakbang ng NBI ay sinusuri nang mabuti ng publiko.
Sa yugto ng laban ay ang NBI chief mismo ay inaasahang magtetestigo na kung saan dito masusubok kung ang mga ebidensya ay tatayo sa harap ng matinding cross-examination.
Habang hinihintay ang pagpapatuloy ng hearing ay nakaabang at nagtatanong ang bayan. Ebidensya ba ito ng hustisya, o ebidensya ng pulitika? Abangan.
- Latest















