PBBM sugo ng Maykapal, ayon kay Gob. Castro
MUKHANG dininig na ng Dios ang panalangin ni Capiz Governor Fredenil ‘Oto’ Castro sa pamamagitan ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Kasi nga ayon kay Castro, noong panahon pa ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr., hiniling ang nasabing proyekto ngunit hindi man lang naisakatuparan ito. Para sa kaalaman ninyo mga suki, simula nang mailuklok ito sa puwesto bilang Kongresista hanggang sa maging Gobernador ng lalawigan ng Capiz, ang palaging ipinagdarasal nitong si Castro ay ang maisakatuparan ang Panay River Basin Integrated Project, dahil malaking tulong ito para sa mga Ilonggo na maibsan ang malawakang pagbaha na inaabot ng isang linggo.
Kaya naman walang ibang kahilingan itong si Gob. Castro sa Maykapal kundi ang maisakatuparan na ang naturang proyekto. Dininig naman ni PBBM ang kanyang hinaing at sa pinakamadaling panahon ay sisimulan na ito. Hehee! Depende ‘yan sa budget na ilalaan sa naturang proyekto. ‘Di ba mga suki?
Kasi nga sa ngayon ay iniinda na ng pamahalaan ni PBBM ang epekto ng giyera sa Middle East na kung saan super taas na ang petrolyo at kaakibat pa nito ang pagbaba ng halaga ng Peso sa Dollar. Get n’yo mga suki?
Kung sabagay wala namang imposible sa mga dalangin dahil kusa lamang naibibigay ang biyaya na galing sa may Lalang. Kasi nga itong proyekto para sa Panay River Basin Integrated Project ay nabaon na sa limot, matapos na hindi bigyan pansin ng mga nagdaang Gobernador ng Capiz at ngayon na sa panahon ni Castro lamang maisakatuparan. Hehehe!
Kung sabagay may kasiguraduhan na itong proyekto para sa mga Capiznon matapos na ihayag mismo ni PBBM nang personal na pamunuan nito ang isinagawang oath taking ng may 8,000 mga guro na na-promote sa 3rd Grade. Ibang klase talaga itong administrasyon ni PBBM dahil ang nasa isipan nito ay kung paano maibigay ang kaluwagan ng mga maestra na kinalimutan na ng mga nagdaang pangulo ng bansa. Kaya’t kung happy ang mga teachers aba’y, mas masaya itong si Gob. Castro dahil sigurado nang maisakatuparan ang PRBIP na magliligtas ng kabuhayan ng mga Capiznon.
Kaya’t ayon kay Castro “Lalo pang lumakas ang aking loob. At lalo pang ipinagsisigawan ko sa lahat at lalo pang lumakas ang aking paniniwala na hindi kailanman nauga ang paniniwalang ang Presidenteng Bongbong Marcos ay siyang sugo ng maykapal”.
Kaya naman tuloy may mga ugong-ugong na, paano naman ang mga nagdaang gobernador ng Capiz, may naiwan kaya silang legasiya sa kanilang mga kababayan?
- Latest















