Nasaan si Zaldy Co?
Sa gitna ng lumalawak na kontrobersiya sa flood control, isang tanong ang patuloy na bumabagabag: nasaan si ex-Cong. Zaldy Co? Hindi na ito simpleng pagkawala—ito ay sukatan kung kaya pa bang habulin ng estado ang isang makapangyarihang pugante.
Nagpadala ang gobyerno ng delegasyon sa Czech Republic sa pangunguna ni Justice Sec. Eric Vida. Mataas ang inaasahan: konkretong aksyon at malinaw na resulta. Ngunit ang umuwi ay katahimikan—walang breakthrough, walang paliwanag—na sa mata ng publiko ay tila nagdulot pa ng kahihiyan kay Pres. Bongbong Marcos Jr.
Kung seryoso ang pagtugis, bakit tila hindi agad ginamit ang mekanismo ng INTERPOL? Sa ganitong antas ng kaso, ito ang pinakamabilis na paraan upang matunton at mapigil ang galaw ng isang fugitive.
Mas lalong lumalalim ang duda dahil kung layunin lamang kumpirmahin ang lokasyon, sapat na sana ang pormal na komunikasyon sa Czech authorities. Sa ganitong proseso, wala pang isang oras ay maaari nang malaman kung siya ba ay naaresto o tunay na nasa kustodiya—isang simple ngunit kritikal na hakbang na tila hindi napakinabangan.
Sa halip, isang magastos na biyahe ang isinagawa na walang malinaw na naiuwing resulta. Para sa publiko, hindi maiwasang mabuo ang impresyon: tila may maling impormasyong pinaniwalaan—at tila “na-kuryente” ang Pangulo sa isang operasyong walang malinaw na kinalabasan.
Mas naging kontrobersyal pa nang lumabas na ang delegasyon ay nakipagkita sa ilang kilalang negosyante, kabilang ang mga Lopezes. Sa puntong ito, lumalabo ang linya sa pagitan ng opisyal na misyon at ibang layunin—at lalo lamang nadaragdagan ang pagdududa.
Samantala, lumulutang ang impormasyon na si Co ay nag-aaplay ng political asylum sa France. Kapag ito ay naaprubahan, ito ay magiging malaking dagok—hindi lamang sa administrasyon kundi sa buong sistema ng hustisya ng bansa.
Isa pa sa malinaw sa pulso ng mamamayan: may inaabangan din ang publiko—ang posibilidad na masampahan ng mabigat na kaso si ex Senate Pres. Francis Escudero. Dito maaaring makaiskor ang administrasyon. Kung may konkretong kaso at pananagutan sa mataas na antas, maaaring magsilbi itong pagbawi sa lumulubhang isyu ng kredibilidad.
Sa huli, may mas mabigat na pananaw na nabubuo: nagiging isang bersyon ba ito ng Catch Me If You Can? Isang fugitive na nauuna sa sistema—at posibleng nakikinabang pa rito. Hindi ito tatanggapin ng bansa. Sa pulso ng bayan, malinaw ang panawagan: maibalik si Zaldy Co at dapat siyang malitis.
- Latest
















