Pagbuwag sa SK panahon na nga ba?
Matagal nang isyu ang abolition sa Sangguniang Kabataan o SK subalit hindi naman natutuloy dahil sa pakitang tao ng ilang government officials.
Nauungkat lamang ang pagbuwag sa SK sa tuwing may madadawit na mga SK officials tulad na rin ng isyung kinasasangkutan ngayon ng dalawang SK chairman mula sa Brgy. Dasmariñas at Brgy. Magallanes sa Makati.
Sa press conference na ipinatawag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kahapon, may halong galit at tila pang-iinsulto ang mga pahayag nito laban sa dalawang SK chairman.
Una, may galit nang sabihin ni Remulla na nagiging daan ang SK upang maging corrupt ang kabataan kaya dapat nang buwagin upang hindi na magamit pa. Hindi tama na bata pa lamang ay ordinaryo nang gawain ang korapsiyon.
Ikalawa, may tila halong pang-iinsulto at pangungutya nang sabihin nitong “mayayaman na kayo, nagnanakaw pa”. Paano kung hindi sa isang exclusive subdivision nakatira ang mga dawit sa kontrobersiya na mga SK chairman? Sasabihin ba ni Remullla na “kaya nagnanakaw dahil mahirap?”
Sinuspinde na ang dalawang SK Chairman ng anim na buwan alinsunod sa batas.
Bilang isang government official, dapat na maging maingat sa bawat salitang bibitawan lalo pa’t halal pa rin ng tao ang mga sangkot.
Hindi dapat na magpadalus-dalos sa pagsasalita para lang maging kapuri-puri sa mata ng publiko.
Sa katunayan, aminado si Remulla na wala sa kanyang departamento ang desisyon kung dapat o hindi dapat na buwagin ang SK.
Kung talagang sinsero si Remulla na buwagin ang SK dapat nitong ilatag ang kanyang mga rekomendasyon sa Kongreso at hindi kung kailan lang may isyu.
Halatang sumasakay lang sa isyu at ningas kugon ang kilos.
Sakaling ipursige ni Remulla ang hakbang na ito, marami siyang masasagip na kabataan na may political ambition at hindi masasangkot sa korapsiyon sa lipunan.
- Latest




















