‘Pangasinan… sadyang magaling sa bookies-jueteng’
Ang simultaneous raids ng National Bureau of Investigation-National Capital Region noong Abril 13 laban sa bookies-jueteng sa Pangasinan ay malinaw na ebidensya na sadyang magaling ang lalawigan sa pagkukubli ng iligalidad.
Sa dami ng nadakip—mula Urdaneta City hanggang San Carlos—na 170 katao, kasama na ang isang dating Konsehal sa bayan ng Rosales at kapitan sa Manaoag, malinaw itong hindi maliit na raket, kundi pinapatakbo ng sindikato.
Ito’y organisadong galaw na hindi mabubuo kung walang nakakakita, walang nakakaalam, at—mas masahol—walang pumipigil.
Kung dekada nang umiikot ang jueteng-bookies sa mga bayan-bayan sa Pangasinan, paano ito nadiskubre? Nasaan ang Philippine National Police-Pangasinan habang lantaran ang kolektahan? Nasaan ang Philippine National Police Regional Office 1 habang may mga lugar na kilala ng publiko kung saan umiikot ang bookies-jueteng operations?
Higit sa lahat, nasaan ang gobernador—ang may pangunahing mandato sa kaayusan at pananagutan sa buong lalawigan?
Hindi sapat ang pangakong iimbestigahan paano nagkaroon ng bookies-jueteng. Kapag ang ilegal ay nagiging bahagi ng araw-araw na buhay, ang hindi pagkilos ay hindi na neutral—ito ay pagkunsinti. Kung hindi ninyo alam, bakit ninyo hindi alam? Kung alam ninyo, bakit hindi ninyo pinigilan?
Suma tutal, palpak si Gobernador, palpak ang PNP.
At dahil may mga dating opisyal at kilalang personalidad na nasasangkot, hindi na ito simpleng usapin ng krimen —usapin na ito ng impluwensya at proteksyon. At kung may proteksyon, may pumapayag sa itaas.
Hindi puwedeng hanggang kubrador at maliit na operator lang ang nahuhuli habang ang malalaking pangalan ay nananatiling “untouchable.” Iyan ang dahilan kung bakit paulit-ulit ang cycle—may nahuhuli, may ingay, tapos babalik sa dati.
Panahon nang maningil—direkta at walang paligoy-ligoy. Ano ang ginagawa ng Gobernador bago pa umabot sa ganito? Sa Philippine National Police Pangasinan, paano ninyo pinalusot ang ganitong kalawak na operasyon? Sa Philippine National Police Regional Office 1, nasaan ang oversight ninyo?
Kung walang malinaw na pananagutan mula sa itaas, ang “bulabog” ay mananatiling magaling na palabas lamang—maingay ngayon, pero bukas, tahimik na naman! Ang galing sa iligal!
Para sa komento: [email protected]
- Latest















