^

PSN Opinyon

OFWs ‘pambala’ sa giyera sa ibang bansa?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

May mga overseas Filipino workers na rin bang isinasabak sa mga giyera sa ibang bansa? Nakikipagbarilan sila sa mga rebelde o kaaway ng dinayo nilang bansa? Sangkot na rin sila sa pagpapaputok ng mga missile at bomba na kumitil ng maraming sibilyan? Sabihin nang nasa loob lang sila ng mga kampo, outpost o barracks pero bahagi pa rin sila ng militar na sangkot sa mga kaguluhan o digmaan sa ibayong-dagat. Nagboluntaryo ba rito ang sangkot na OFW o napilitan lang sila?

Mga usapin ito na hindi maaaring hindi maiisip sa naging babala kamakailan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at ng Commission on Filipino Overseas hinggil sa umuusbong na bagong klase ng human trafficking na ang mga nabibiktimang Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa ay nililinlang at pinangangakuan ng pekeng trabaho na kunwari ay sa bahay o sa pabrika pero, ang totoo, ipinapasok sila sa dayuhang serbisyo militar.

Wala namang binabanggit na bansa o pangalan ng anumang dayuhang organisasyong militar ang IACAT at CFO na tila maingat sa pagpapalabas ng mga pahayag dahil kanila pa itong iniimbestigahan habang isinusulat ito.

Ayon sa mga report  mula sa 1343 Actionline na pangunahing human trafficking hotline ng IACAT, ang mga biktima ay nire-’recruit’ muna para makapagtrabaho sa ibayong-dagat, at pagdating sa kanilang destinasyong bansa, pinapalitan ang kanilang employment contract at pinilit silang magsilbi sa dayuhang militar.

Ang pagsulpot ng bagong iskemang ito na kumuha at magtalaga ng mga manggagawang Pilipino para magtrabaho sa dayuhang militar ay hudyat ng nakababahalang ebolusyon ng “forced labor category” ng human trafficking.

Nabatid na pormal nang sinisiyasat ng IACAT ang isang beripikadong kaso kaugnay ng naturang modus operandi sa recruitment. Idinidiin ng mga awtoridad na ang sino o ano mang recruiter na nangangako ng mataas na sahod nang walang beripikadong kontrata mula sa Department of Migrant Workers ay isang entidad na lubhang mapanganib.

Noong Pebrero ng taong kasalukuyan ay nagpalabas ng paalala ang CFO na dumarami ang mga Pilipinong kinakalap para lumahok sa mga dayuhang lugar na merong mga labanan o digmaan.

Pinag-iibayo naman ng CFO ang kampanya nito para paalalahanan ang publiko at balaan ang mga nag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa hinggil sa panganib na umalis sa Pilipinas nang walang kaukulang dokumento lalo na kung ang pupuntahan nila ay mga rehiyong merong mga labanan.

Gayunman, may mga usaping kailangan marahil linawin ng CFO o ng IACAT.  Direkta bang mula sa Pilipinas ang mga Pilipinong kinukuha para magserbisyo sa militar sa ibang bansa?  O may mga OFW sa ibang tahimik na bansa na nililinlang para magtrabaho sa militar ng mga bansang merong mga kaguluhan o digmaan? Maaaring magawan ng paraan na masagip ang mga bibiktimahin sa Pilipinas pero paano ang gagawin nila sa mga OFW na nagtatrabaho nang ligal sa ibang bansa pero hinimok at nilinlang ng human trafficking syndicate para manilbihan sa dayuhang militar na kumplikadong ma-monitor?

Kaso, maaawat ba ang umano’y biktimang OFW na magtrabaho sa dayuhang militar kapalit na malaking sahod kahit iligal at mapanganib? Maraming OFW ang nananatili sa mga bansang may mga giyera. Hindi sila mahimok na umuwi sa Pilipinas. Iyon pa kayang nagtatrabaho sa dayuhang militar?

* * * * * * * * * *

Email- [email protected]

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with