Romualdez, ‘di payag na mag-isang babagsak
Mistulang isang pagbabanta ang naging pahayag kamakailan ni dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na hindi papayag na maging isang “fall guy” para makatakas sa pananagutan ang mga tao na totoong sangkot sa korapsyon.
Handa umano niyang ilabas ang kanyang sworn affidavit at supporting documents para makita ng publiko at hindi rin siya payag na maging “scapegoat” ng iba na mga accountable sa korapsyon upang palabasin na sila ay malinis.
Ibinasura nito ang alegasyon na siya ang nasa likod ng corruption scheme at ipinaliwanag na nagmumula ang panukalang budget sa Ehekutibo na kung saan inihahanda ng mga kagawaran ang hinihinging taunang pondo at pagkatapos ay isusumite sa Kongreso para kanilang repasuhin.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Romualdez ang kanyang binantaan ay mistulang pasaring ito sa pinsan na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang dating ay hindi siya lang dapat ang babagsak dapat ay may kasama siya.
Hindi matatawaran ang naging kapit ni Romualdez sa manibela ng Kamara sa nakalipas na mga taon na bilang isa sa pinaka makapangyarihang lider ng administrasyon ay hawak niya ang pulso ng lehislatura.
Subalit, ang pulitika sa Pilipinas ay parang gulong—minsan ikaw ang nasa itaas, minsan naman ay sinusubok ng matinding unos nang umalingawngaw ang pangalan niya sa mga umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control.
Sinabi naman ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na iginagalang ng Malacañang ang saloobin ng dating House Speaker nang basagin nito ang pananahimik at iginiit na hindi lang ito responsibilidad ng nasa Ehekutibo.
Sa naging pahayag na ito ni Romualdez na iniimbestigahan na ng Ombudsman sa umano’y plunder at money laundering ay tila laglagan na ang susunod na mangyayari. Abangan!
- Latest


















