Buwis buhay sa pagkuha ng ayuda!
Halos tila bumabalik ang bansa sa pandemic days dahil sa mga ayuda na ibinibigay ng pamahalaan. Ang kaibahan nga lang pwedeng lumabas ang tao at dumiskarte para may ipantawid sa araw-araw.
Ngunit paano kung wala ng paraan ang isang Pilipino na maitawid ang kumakalam na sikmura. Natural kahit sino ay kakapit sa ayuda ng gobyerno.
Titiisin ang pila, init ng araw at gutom makuha lang ayuda na papawi kahit sandali ng gutom at hirap.
Tulad ng sinapit ng isang rider na namatay nang dahil sa paghihintay na makuha ang kanyang fuel subsidy na halagang P5,000 sa Quezon City Memorial Circle.
Malaki na ang P5,000 sa isang ordinaryong rider kaya mas pipiliin na magtiis at magtiyaga sa pila na pinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Maaaring walang may gustong masawi ang rider pero dapat ay mas naisip ang gobyerno na may mga paraan naman upang maibigay ang ayuda.
Hindi na dapat pahirapan ang pamamahagi ng ayuda. Kung gusto ng pamahalaan na tumulong at sinsero na maibsan ang hirap at kakapusan ng ordinaryong Pilipino, ibigay ito sa madaling paraan.
Tantanan na sana ng pamahalaan ang paggamit sa mga ordinaryong Pilipino para lang ‘bumango’.
Maaaring ang pamahalaan ang magtungo sa bahay ng mga beneficiary o ipadala sa pamamagitan ng e-wallet.
Sabi nga ni QC Mayor Joy Belmonte, titiyakin niyang wala nang katulad na insidente ang mangyayari sa kanyang nasasakupan, QCitizen man ito o hindi.
Dapat na maging prayoridad ang kaligtasan ng bawat Pilipino anumang oras. Pairalin ang tunay na malasakit.
- Latest















