^

PSN Opinyon

Doble milagro sa buhay ni Juliane Koepcke

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon
Doble milagro sa buhay ni Juliane Koepcke

Nu’ng 1971 nalaglag mula eroplano sa Amazon jungle ang isang 17 taong gulang na babae – at nabuhay.

Disperas ng pasko 1971 lumipad si Juliane Koepcke at inang si Maria mula Lima patungong Pucallpa, Peru para bumi­sita sa amang si Hans. Tanyag na siyentipiko sina Hans at Maria na nagsasaliksik sa Panguana reserve. Sa makapal at mapa­nganib na gubat biglang binagyo ang eroplano. Na­lansag ito.

Tumilapon si Juliane, naka-strap sa upuan. Nahulog nang 3,000 metro. Naisip niya na mukha palang cauliflower ang canopy ng gubat.

Nawalan siya ng malay. Himala, nagising siya na nasa upuan pa rin sa ilalim ng mga puno. May bali sa balagat at ma­laking sugat sa braso. Hinimatay muli siya sa sakit.

Kinabukasan pinilit niyang tumayo. Punit ang manipis na mini skirt, isa na lang ang sneakers. Narinig niya ang huni ng mga ibon, hiyaw ng mga matsing. Pareho sa tunog ng Pa­nguana, kung saan siya pinalaki at sinanay ni Maria. Nabatid niya na nasa sariling teritoryo siya.

Hinanap niya ang ilog. Naalala ang payo ni Hans na, “Sundan ang tubig at malamang ay may matunton na tao.” Nagpaanod siya sa gitna ng ilog, dahil naalala rin ang aral ni Hans na lumalagi ang mababangis na piranha sa mababaw na gilid-gilid.

Sampung araw naglakad si Juliane. Tag-ulan kaya halos walang bunga ang mga puno. Mga dahon lang ang kinain niya na alam niyang masustansya dahil turo ng mga magu­lang. Umiwas siya sa nakalalason na mga halaman at ma­babangis na hayop.

Ika-10 araw natunton niya ang isang kubo. May lata ng gaas. Ibinuhos niya sa inuuod na sugat sa braso. Nagpalipas ng gabi ru’n. Umaga may dumating na tatlong mangingisda. Nagpakilala siya.

Nasawi sa plane crash si Maria. Naging biologist si Juliane. Ipinagpatuloy ang pananaliksik sa Amazon jungle.

AMAZON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with