^

PSN Opinyon

‘Mahal ang gamot, mura ang buhay?’

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

HABANG tahimik ang ilan sa gobyerno, tahimik ding nangi­nginig ang madlang Pinoy lalo na ang mga senior citizen, sa isang tanong kaya pa ba nilang mabuhay kung tataas umano ang presyo ng gamot?

Hindi ito simpleng isyu ng ekonomiya. Buhay ito. Hininga. Oras na unti-unti nang nauubos sa mga matatanda nating kababayan.

Sabi nga, sa kanto, sa barangay health center, sa botika­ pare-pareho ang usapan. “Kapag tumaas ‘yan, paano na kami?” Hindi biro ang maintenance medicines. Hindi pwedeng ipag­pabukas. Hindi pwedeng hatiin sa kalahati ang dosage dahil lang kapos ang bulsa. Pero ‘yan ang realidad na pilit kinakaharap ng mga nasa laylayan.

Masakit isipin na habang ang iba ay nagsasabing “hindi pa tiyak” ang pagtaas ng presyo, ang mga mahihirap ay sigu­­radong kinakabahan na. Kasi sa buhay nila, hindi uso ang “hintayin muna natin”. Kapag nagmahal ang gamot, auto­­matic: may magugutom, may titigil sa pag-inom, may lalala ang kondisyon.

At heto pa ang mas masakit may mga bitamina at sup­plements na mahalaga sa kalusugan ng matatanda pero hindi kasama sa listahan para sa senior citizens discount. Para bang sinasabi “Hindi naman ‘yan kailangan.” Pero sa isang senior na mahina na ang katawan, ang bawat kapsula, bawat tableta parang dagdag araw sa buhay.

Bakit kailangang hintayin pang sumabog ang problema bago kumilos? Bakit kailangang may magkasakit nang ma­lubha bago marinig ang hinaing? Hindi ba pwedeng ngayon pa lang, habang may oras pa, ay paghandaan na? Hindi kaila­ngan ng talino lang. Kailangan ng malasakit.

Kung totoong “bright” ang mga nasa itaas, dapat mas maliwanag sa kanila ang realidad sa ibaba. Hindi spreadsheet ang buhay ng tao. Hindi projection ang sakit. Totoo ito. Ramdam ito. Araw-araw.

Kung tataas ang presyo ng gamot at walang malinaw na plano, hindi lang bulsa ang masasaktan puso ng bawat pamilyang Pinoy ang dudurog. Dahil sa bawat senior na hindi makabili ng gamot, may anak o apo na tahimik na umiiyak, nag-iisip kung paano pa kakayanin.

Hindi na ito dapat pinagtatalunan. Dapat ginagawa na. Bago pa mahuli ang lahat.

Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon batay sa mga pangamba at obserbasyon hinggil sa posibleng pagtaas ng presyo ng gamot. Hindi ito naglalayong manira o magbigay ng maling impormasyon, kundi magmulat at magpanawagan ng maagap na aksyon para sa kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ang mga senior citizens at nasa laylayan.

GAMOT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with