^

PSN Opinyon

May gobyernong totoo!

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

SA Cainta Rizal, hindi lahat may hapunan. Hindi lahat may ulam. Pero ngayon, may isang tao na muling nagpaalala kung ano ang tunay na silbi ng gobyerno ang magsilbi, hindi magpasikat.

Binuhay muli ng pamahalaang bayan ang “One Cainta Pantry,” kilala rin bilang “CAINTAyo,” isang simpleng ideya na may malalim na tama sa sikmura at puso ng mga nasa laylayan. Libre. Gabi-gabi. Walang arte. Walang palusot.

Simula alas-singko ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, iikot ang mobile pantry sa iba’t ibang sulok ng bayan abot hanggang 300 katao bawat gabi. Hindi tanong kung may pera ka. Hindi tanong kung sino ka. Basta gutom ka, may kakainin ka.

Sa One Arena, may kusinang hindi lang nagluluto ng pagkain, nagluluto ng pag-asa. Araw-araw, mga tauhan ng General Services Office ng Cainta ang sumasabak, hindi para sa papuri kundi para makatipid at mas maraming mapakain.

Buffet ang sistema dala ka ng sariling plato’t kubyertos. Walang lamangan. Walang sakiman. Pantay-pantay. Dahil dito, hindi lang tiyan ang napupuno pati dignidad.

Ito ang klase ng pamumuno ni Cainta Mayor Keith Nieto hindi puro salita, kundi gawa. Hindi pa-cute, kundi diretsahan. Alam niya na kahit isang hapunan lang ang maibigay sa isang pamilya, malaking ginhawa na ‘yan sa araw-araw nilang laban.

Hindi rin siya ‘yung tipong kailangang laging nasa harap ng kamera. Sa totoo lang, mas gusto niyang hindi siya sentro ng eksena. Para sa kanya, sagrado ang programang ito, hindi ito pang-politika, hindi ito pang-epal. Para ito sa tao. Period.

Bawat departamento ng munisipyo, may naka-assign na araw para tumulong. Para maranasan nila mismo kung gaano kabigat ang buhay sa ibaba hindi sa opisina, kundi sa kalsada.

Muling umarangkada ang programa sa San Buena Compound sa Barangay Sto. Domingo, at susunod na ang Gruar. Pero ang totoo, mas malayo pa ang mararating nito hanggang sa mga pusong matagal nang nakakalimutan.

Dati na itong sinimulan noong 2019, bago pa dumating ang pandemya. At ngayon, ibinalik dahil nakita kung paano nito binago ang buhay ng komunidad. Sa panahon na maraming salita, pero kulang sa gawa may isang bayan na piniling kumilos.

At sa bawat pinggang napupuno, isang malinaw na mensahe ang tumatama.  Hindi ka nag-iisa. May gobyernong handang sumalo.

GOBYERNO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with