Walang sasantuhin si silg Remulla
KUNG nakasanayan na nang ilan nating kababayan ang pag-iinuman sa gilid ng mga kalsada aba’y, maghunos dili kayo dahil tatamaan na kayo ng bangis ni Department of Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla.
Kasi nga ipinapatupad na ang Anti-Public Act, na kung saan hindi pinapayagan ang pag-iinuman sa lansangan pati na ang paglalagay ng mga lamesa at upuan para sa inuman sa kalsada. Kaya’t ayon kay SILG Remulla dapat nang sumunod ang publiko sa nasabing batas upang mapanatili ang kaayusan sa mga komunidad. Kung sabagay sa pagkakatanda ko noon pang panahon ng Martial Law ni dating President Ferdinand Marcos Sr., ay mayroon nang bagansyahan hanggang sa nagpalit-palit na ang mga presidente ng bansa ay may kanya-kanyang gimik na ipinatupad ang Philippine National Police (PNP) upang walisin itong mga nagsisiga-sigaan na nag-iinom sa kalye na kadalasan nauuwi sa karahasan.
At dahil palagi na naman laman ng mga balita at sa Social Media ang mga nagba-viral na mga kuha sa CCTV footages lalong lalo na sa patayang naganap sa Barangay Irawan, Puerto Princesa aba’y, umuusok ang ilong nitong si SILG Remulla at agad na ipinatupad ang Anti-Public Act na kung saan mahigpit na ipatutupad ng mga kapulisan ang paghuli sa mga lumalabag nito. Mukhang malaking perwisyo ito sa mga mahihilig na magpagkalunod ng alak sa kalye dahil hindi na pwede ang kanilang mga gimik. Hehehe! Get nyo mga suki?
Kung sabagay malaking tulong ito upang mabawasan ang karahasan sa ating kapaligiran at sa ngayon na super taas na ang presyo ng petrolyo natural na kaakibat nito ang pagtataas din ng mga bilihin lalong-lalo na itong mga inumin, di ba mga suki?
At dahil sa hirap ng buhay siguradong marami ang maiinit ang ulo at isang kibot lamang nito tiyak na sa basag-ulo na ang hantungan. At matindi pa nito maging ang mga kabataan ngayon ay nahuhumaling na rin sa inuman sa kalye at ang mga trip nito ay ang mag-riot na nagdudulot ng perwisyo sa mga residente at mga motorista. Kaya’t ang kailangan lamang nito ay ang suporta ng taong bayan upang maipagpatuloy ng ating mga kapulisan ang pagsita at panghuhuli sa mga lumalabag sa batas. Tandaan, para din sa ating mapayapang pamayanan ang pinaiiral ni SILG Remulla.
- Latest















