Silent rip-off sa Ayala Mall 4DX moviegoers
HINDI biro ang presyo ng sine ngayon lalo na kung 4DX ang usapan. Halos parang nag-check in ka na sa hotel sa mahal. Pero ang tanong, bakit parang hindi sapat na binayaran mo na ang “experience,” kailangan pa nilang ipilit sa’yo ang popcorn at bottle water na parang kasama sa package na hindi mo naman inorder?
Ito ang nakakainis. Hindi lang basta inconvenience, pang-aabuso na sa konsyumer. Isipin mo pumasok ka para manood, gusto mo lang ma-enjoy ang pelikula ‘yung upuan na gumagalaw, hangin, ulan effect, lahat ng pakulo. Pero bago ka pa makaupo, parang may obligasyon kang bumili ng pagkain. Hindi man direkta sinasabi, ramdam mo ‘yung pressure. ‘Yung titig. ‘Yung sistema.
Eh paano naman ‘yung mga ayaw kumain? Paano ‘yung may pustiso? ‘Yung walang ngipin? ‘Yung masakit ang gilagid? ‘Yung kakabunot lang ng ngipin? O simpleng ayaw lang mag-popcorn habang nanonood? Hindi ba pwedeng respetuhin ‘yun?
Hindi lahat ng nanonood gusto ng umanga. Hindi lahat kayang kumain habang inaalog-alog ng upuan. At lalong hindi lahat dapat pilitin gumastos pa ulit pagkatapos mong kubrahin ang mahal na ticket.
Ang problema dito, hindi lang ito tungkol sa popcorn at bottle water. Tungkol ito sa mindset ng negosyo na parang sinasabi “Hindi sapat na nanood ka, kailangan masulit ka namin.”
Sa totoo lang, nakakabastos. Parang hindi ka customer. Parang walking wallet ka lang. At kung may magsasabi na “eh di wag kang bumili,” madali sabihin. Pero iba yung reality sa loob ‘yung pressure, ‘yung kultura, ‘yung halos expectation na dapat meron kang hawak na pagkain. Parang hindi kumpleto ang experience kung wala kang bitbit. Pero sino ba ang nagdikta nun? Hindi ba dapat choice ng tao yun?
Kung talagang premium ang binabayaran natin, dapat premium din ang respeto sa customer. Hindi yung parang palengke tactics na may pilitan. Hindi yung parang fast food combo na hindi pwedeng paghiwalayin.
Hindi ito maliit na issue. Ito ay malinaw na halimbawa ng kung paano unti-unting tinatanggalan ng choice ang mga tao kapalit ng kita. At kung hindi ito pupunahin, tuloy-tuloy lang ‘yan.
Panahon na para magsalita ang mga moviegoers. Hindi porke kaya mong magbayad, ibig sabihin papayag ka na lang sa kahit anong sistema na pabor lang sa negosyo.
Ang sinehan ay para sa aliw, hindi para sa sapilitang konsumo. Kung gusto mo ng popcorn o bottle water bumili ka. Kung ayaw mo dapat walang problema. Ganun ka simple. Pero mukhang sa sistemang ito, ang simpleng karapatan na pumili… kailangan pang ipaglaban.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda batay sa obserbasyon at karanasan. Hindi ito naglalayong manira ng anumang sinehan o kumpanya, kundi magbigay-liwanag sa isyung kinakaharap ng ilang moviegoers at hikayatin ang mas maayos at patas na karanasan para sa lahat.
- Latest















