Ano ang lagay ng kalusugan ni PBBM?
Nag-viral kamakailan sa social media ang tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung saan ay sinasabi ng ilang netizen na “masama na ang lagay” nito at may mga nagkomento rin ng “RIP”, dahil sa hindi raw ito makita ng publiko sa kanyang mga gawain sa Palasyo.
Pero ayon sa Malacañang, abala ang Pangulo sa kanyang trabaho na sa katunayan ay nagpakita ito ng mga larawan at video na nakikipagpulong sa kanyang mga Gabinete na ikinagulat naman ng marami.
Dahil ang ipinapakitang video at litrato ng Pangulo sa mga pagpupulong ay mga luma na at ang isang file video ay nilagyan ng petsa na Abril 7, 2026 pero makikita na sumulpot ang yumaong si dating Senador at Chief Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile sa cabinet meeting.
Kaya biro tuloy ng mga netizen na nakapanood sa video na tila “sinusundo” na si Marcos ni Enrile at may patutsada rin na tema ng Pasko ng Pagkabuhay ang nangyari.
May mga lumabas din na video na sinugod si Pangulong Marcos sa St. Luke’s Hospital na inakala ng marami na ito ay bago, subalit ito pala ay luma na noong ito ay nagkasakit ng “diverticulitis”, isang kondisyon na dulot ng pamamaga na naipon ang bacteria sa colon na hindi naman umano life-threatening.
Agad na pinabulaanan ni Palace Press Officer Claire Castro ang mga kumakalat na pekeng video at buweltang tugon ay hindi dapat maniwala sa mga fake news.
Bagama’t ilang aktibidades ang hindi nadaluhan ng Pangulo ay iginiit ni Castro na maayos ang kalusugan ng Pangulo na taliwas sa mga kumalat sa social media na may stage 4 colon cancer ito at nangangailangan ng medical attention.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Abril 8, ay tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na maayos ang kaniyang kondisyon at tuloy-tuloy ang kaniyang pagtupad sa tungkulin bilang pinuno ng bansa at binigyang-diin din na hindi dapat seryosohin ang mga kumakalat na impormasyon sa social media patungkol sa kanyang kalagayan.
Nagbabala ang Palasyo na kanilang papanagutin ang mga responsable sa mga nagpapakalat ng fake news hinggil sa kalusugan ni PBBM at mapigilan ang paglaganap nito na maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko.
- Latest















