Si Speaker JDV at ang bangus

“Sa pagsubok tayo natututo, dahil ang komportableng buhay ay hindi mahusay na guro.”
Ito ang paalala ni Archbishop Socrates Villegas habang ginugunita natin ang buhay ni Jose de Venecia Jr.--isang buhay na hinubog hindi lamang ng tagumpay, kundi ng mga pagsubok.
Bilang paglalarawan kay JDV, tinawag ni Arch. Soc si JDV na ‘bangus’ -- na tanging mga taga-Pangasinan lamang ang tunay na makakaunawa: “He’s our bangus… our gift.”
Apatnapung araw matapos ang kanyang pagpanaw, nananatili ang imaheng iyon.
Kamakailan, nagtipon ang pamilya, mga kaibigan, at kasamahan sa Libingan ng mga Bayani para sa ika-40 araw ng pagpanaw ng pinakamatagal na naging House Speaker sa kasaysayan ng bansa. Nagdaos ng misa, na sinundan ng isang simpleng programa -- tahimik, mapagnilay, at akma sa isang taong ang pampublikong buhay ay higit na nailalarawan, hindi ng ingay, kundi ng matatag na pagtataguyod ng mga institusyon.
Ang simpleng bangus ng Dagupan, matatag, matiyaga, kayang mabuhay sa iba’t ibang tubig. Isang nilalang na sanay sa tinik ng buhay.
“Salamat sa mga tinik ng buhay,” sabi ng Arsobispo, “dahil sila ang naging aral natin.”
‘Rainbow Joe’
Ayon kay dating Speaker Feliciano Belmonte Jr., ang kanyang panunungkulan ay naging “puno ng pagpupursigi para sa pagkakaisa. Naniwala siyang sa pagkakabuklod-buklod, maisasantabi natin ang ating mga pinagkaiba.”
Ang prinsipyong ito ang nagbigay-buhay sa “Rainbow Coalition,”isang modelo ng pamamahala na pinagkaisa ang pagkakaiba-iba ng pulitika. Hindi lamang ito taktika, kundi isang pilosopiya ng pamumuno.
Sa ika-40 araw na paggunita, nabigyang-pansin din kung paano maaalala ang ganitong pilosopiya sa mismong disenyo ng kanyang huling hantungan, na inilahad ni Architect Dan Lichauco.
Sa gitna nito ay may walong paakyat na travertine pylons na sumisimbolo sa walong sinag ng watawat ng Pilipinas. Ang unti-unting pag-angat nito patungo sa krus ay sumasalamin sa isang buhay ng paglilingkod na humantong sa mas mataas na layunin. Sa ilalim nito, isang puntod na hugis watawat na yari sa itim na granite.
Sa paanan nito ay isang mas personal na detalye: mga bangkong hugis bangus. Isang paalala ng kanyang pinagmulan sa Dagupan. At sa kalaunan, magkakaroon din ng bust ni JDV upang ganap na makumpleto ang monumento.
Ipinalabas rin ang isang digital tribute sa naging programa, ang mga pinagsamang archival footage, mga larawan, at mga alaala at mga kwentong kay sarap balikan.
Ito ang aking espesyal na regalo -- isang labor of love upang mapanatili at maipasa ang kwento ni JDV sa mas nakararami.
Walang iisang obra ang makasasaklaw sa kabuuan ng kanyang buhay. Ngunit tulad ng monumento, ang layunin nito ay ang pagpapatuloy. Upang ang kanyang mga ideya, lalo na ang kanyang pagbibigay-halaga sa pakikipagdayalogo at consensus, ay manatiling buhay para sa susunod na henerasyon.
Panoorin dito:
Paalam, Ninong Joe
Pagkatapos ng kolehiyo, nagtrabaho ako kay JDV at kay Ninang Gina--dalawang personalidad na kalaunan ay naging bahagi ng ating makasaysayang pulitika.
Sila ang humubog sa aking pag-unawa sa pagiging lider--bago ko pa lubos na naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng paglilingkod sa bayan.
Halos tatlong dekada ang lumipas, muli ko siyang nakita--ngunit iba na. Malaki na ang kinuha ng dementia. Hirap na siyang magsalita. Nang lumapit ako, marahang ipinaalala ni Ninang Gina kung sino ako. At sa isang saglit ng kalinawan, sinabi niya: “ikaw ang magaling na Castañeda.”
Habangbuhay kong maalala ang saglit na ‘yon.
Sa iba’t ibang eulogy, iisa ang temang lumitaw--hindi paghahari, hindi lamang talino, kundi dayalogo.
Ayon kay Manay Gina, naniniwala siya na “ang pagkakaisa at pag-unlad ay iisang layunin,” at madalas niyang ipinapaalala: “walang tagumpay ang atin lamang.”
Ang kanyang anak na si Christopher de Venecia ay nagbahagi ng mas personal na pananaw: na ang kanyang ama ay tila isang “hindi lamang siya para sa amin, dahil para rin siya bansa.”
Ayon naman kay Conrad Estrella III, ang isa sa pinakamahalagang aral na iniwan niya ay:
“Huwag kang magtanim ng galit… ikaw lang ang mahihirapan.”
Madaling sukatin ang isang tao sa kanyang mga titulo--five-time Speaker, statesman, diplomat, tagapagtaguyod ng mga institusyon, at katuwang sa pamamahala ng mga lider tulad ni Gloria Macapagal Arroyo, na naglarawan sa kanya bilang “parliamentarian, statesman, peacemaker.”
Ngunit hindi iyon ang kabuuan. Sa kabila ng lahat, nanatili ang kanyang prinsipyo: bumuo ng consensus at panatilihin ang dayalogo.
Pagkakaisa at pagtutulungan
Sa pulitika ngayon -- mas maingay, mas mabilis, mas hati -- tila banyaga na ang ganitong uri ng pamumuno. Nasasanay tayo sa spectacle kaysa substance. Sa division kaysa dialogue. Sa panalo kaysa pag-unawa. Si Manong Joe ay kumakatawan sa ibang uri ng pulitika--kung saan ang magkaaway ay maaari pa ring mag-usap nang hindi sumisigaw.
Ayon sa mga nag-alay ng panalangin sa kanyang huling pamamaalam, sa pangunguna ni Cong. Linabelle Villarica, siya ay isang taong nagpatunay na “ang consensus-building ang nagpapatatag sa lehislatura.”
Apatnapung araw na ang lumipas, at ang mga ritwal natin ng pagluluksa ay unti-unti nang napapalitan ng mas malalim na pagninilay sa alaala at pamana.
At marahil tama ang Arsobispo: marahil ang bangus nga ang pinakaangkop na larawan.
Dahil sa dagat na madalas ay magaspang at hindi mapagpatawad, hindi palaging ang pinakamalakas ang nananatili -- kundi ang marunong umangkop, magtiyaga, at tahimik na tumindig.
“Ang paninidigan ng tulad ng kay Joe de Venecia ay bahagi na ngayon ng ating kasaysayan,” sabi ni Archbishop Soc.
Sa huli, ang legacy marahil ay hindi nasusukat sa mahahabang talumpati o malawakang reporma, kundi sa mga buhay na ating binago, sa mga taong ating nahubog, at sa mga tulay na ating naitayo.
Rest in peace, Ninong Joe. Tapos na ang iyong misyon. Sa panahong ang pulitika ay tila nahihirapang makinig, nawa’y maalala natin ang taong hindi kailanman tumigil sa pagsubok.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected].
- Latest


















