EDITORYAL — Kampanya sa anti-epal nasaan na?
NOONG nakaraang buwan, isang memorandum ang inilabas ni Interior Sec. Jonvic Remulla kaugnay sa kampanya laban sa anti-epal. Sa Memorandum Circular No. 2026-006, iniaatas sa provincial, city, municipal, at barangay officials, gayundin sa mga tanggapan ng DILG sa national, regional, at field level na walang sinumang public official ang maglalagay ng pangalan, mukha, logo, slogan, initials, color scheme, o anumang simbolo, project signage, markers, tarpaulins sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno. Sabi ni Remulla ang government programs ay hindi personal billboards.
Sa anti-epal policy, hindi na papayagan ang mga pulitiko na ilagay ang pangalan at mukha nila sa mga proyekto na pinondohan ng gobyerno. Ultimong waiting sheds at footbridges ay tinadtad ng pangalan at retrato ng pulitiko. Karaniwan nang makikita ang mga ambulansiya na may malaking larawan at mukha ng pulitiko. Nilalagyan din ng pangalan ng pulitiko ang mga ginawang kalsada na proyekto naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Pati projects ng dalawang water concessionaires, inaangkin na rin.
Sabi ni Remulla, hindi na puwede ang gawaing ito. Babaklasin ang pangalan, larawan at iba pang pagkakakilanlan ng mga pulitiko o opisyales ng gobyerno sa government projects. Lahat ay tatamaan—walang sisinuhin at sasantuhin.
Pero ang kampanyang ito ay tila nalilimutan na agad. Tila ba hindi naipatutupad. Mayroong mga tarpaulin ng pulitiko na ikinakabit sa kung saan-saan at bumabati ng “Happy Graduation”. Mayroong bumabati ng “Happy Easter”. Patuloy ang pagyaot ng mga ambulansiya na may malaking pangalan ng pulitiko.
Ipinatutupad pa ba ang anti-epal o hindi na? Hindi sana ningas-kugon.
- Latest















