EDITORYAL - Aksiyunan ng Senado pag-absent ni Bato
LIMANG buwan nang hindi pumapasok sa Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Patuloy ang kanyang pag-absent. Hindi malaman kung nasaan siya. Ang matindi, sa kabila ng kanyang hindi pagpasok at pagganap sa tungkulin, patuloy ang pagtanggap niya nang malaking suweldo. Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), si Bato ay sumasahod ng P380,000 bawat buwan.
Dahil sa patuloy na pag-absent ni Bato, may mga grupong nagsampa na ng mga reklamo laban sa senador. May siyam na reklamo nang nakahain sa Senate Committee on Ethics and Privileges. Unang naghain ng reklamo ang civil society group na “Wag Kang KuCorrupt” noong Pebrero 25, 2026. Ang pinakahuling reklamo ay inihain noong Marso 18, 2026.
Pero sa kabila na marami nang reklamo sa ethics committee, walang ginagawang aksiyon ang Senado. Sabi naman ni Senate Committee on Ethics and Privileges Chairman Senator JV Ejercito. walang probisyon sa no work, no pay sa ilalim ng kasalukuyang rules of the Senate o maging sa kanyang komite. Para umusad daw ang kaso, kailangan itong imungkahi ng isang senador upang maisama ang polisiya sa kanilang mga panuntunan at saka pa lamang ihahain ang reklamo. Ayon pa kay Ejercito, diringgin ng kanyang komite ang mga reklamo kay Bato base sa first in, first out na sistema.
Nobyembre 11, 2025, nang magsimulang umabsent sa Senado si Bato. Marami siyang hindi nadaluhang pagdinig sa Senado. Hindi niya nagampanan ang trabaho sa bicameral committee kung saan isa siya sa miyembro na tumalakay sa 2026 budget.
Itinuturonhg dahilan ng pag-absent ni Bato ay dahil sa lumabas na report na nag-isyu na ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya. Kabilang si Bato sa iniuugnay sa kampanya laban sa illegal drugs ng administrasyong Duterte kung saan libong tao ang napatay dahil sa extrajudicial killings (EJKs). Inaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 at nakakulong ngayon The Hague sa The Netherlands.
Taumbayan ang talo sa pag-absent ni Bato. Dapat siyang pumasok sa Senado at gampanan ang trabaho. Inihalal siya ng taumbayan at nararapat tuparin ang tungkulin. Maaatim ba niyang patuloy ang suweldo kahit hindi nagtatrabaho? Aksiyunan ng Senate Committee on Ethics and Privileges ang kaso ni Bato. Kung patuloy na mag-a-absent si Bato, dapat hindi siya sumuweldo. Ipairal ang “no work, no pay”. Unfair naman sa ibang manggagawa ang ginagawa ni Bato. Kapag ang karaniwang manggagawa ay hindi pumasok, awtomatic na wala siyang suweldo. Ganito rin dapat ang polisiya sa mga mambabatas, partikular sa kaso ni Bato.
- Latest




















