^

PSN Opinyon

Mas mabuting kalusugan para sa kababaihan

KasamBuhay - Jing Castañeda - Pilipino Star Ngayon
Mas mabuting kalusugan para sa kababaihan
Serbisyo ng Rotary Club of Marikina Hilltop.
Rotary Club of Marikina Hilltop via Facebook

Ang Marso ay National Women’s Month -- panahon ng pagdiriwang, pagkilala, at empowerment para sa kababaihan. Ngunit higit pa sa mga pagbati at hashtags, may mas malalim na tanong tayong dapat harapin: paano natin tunay na kikilalanin ang kababaihan kung hindi natin pinangangalagaan ang kanilang kalusugan?

Ngayong taon, simple ngunit malapit sa puso ang aming public service initiative. Sa buong buwan ng Marso, may ibibigay tayong libreng ultrasound, cervical cancer screening, Pap smear, at breast examination para sa mga kababaihang nangangailangan nito. Hindi lamang ito mga routine test. Ito ay mga life-saving interventions.

Inaanyayahan namin ang mga kababaihan na mag-message sa aking Facebook o Instagram (@JingCastaneda) upang malaman kung paano makakakuha ng mga serbisyong ito. Sa pakikipagtulungan sa partner institutions at volunteer doctors, nais naming gawing buwan ng konkretong aksyon ang Women’s Month.

Pag-iingat ang prayoridad

Patuloy na humaharap ang Pilipinas sa malalaking hamon pagdating sa kalusugan ng kababaihan. Ang cervical cancer ay nananatiling isa sa mga pangunahing cancer na nakaaapekto sa mga Pinay. Ayon sa global cancer estimates, libu-libong bagong kaso ng cervical cancer ang naitatala sa bansa bawat taon, at may ilang Pilipina ang namamatay dito araw-araw.

Ang masakit na katotohanan: isa ito sa mga uri ng cancer na puwedeng maiwasan kung maagang matutuklasan at magagamot.

Malaki ang naitutulong ng early detection sa pagtaas ng survival rate. Ang simpleng Pap smear ay kayang matukoy ang abnormal cells bago pa ito maging cancerous, habang ang cervical screening ay nakakakita ng mga early warning signs kahit wala pang sintomas.

Hindi rin dapat balewalain ang breast health. Ang breast cancer ang pinaka-karaniwang cancer sa kababaihan sa Pilipinas.  Ayon sa mga pag-aaral, isa sa bawat 13 Pinay ay may panganib na magkaroon nito sa kanyang lifetime. Sa maraming kaso, dumarating lang ang diagnosis kapag mas komplikado at mas mahal na ang gamutan. Ang regular na breast exams, kahit basic clinical examination lamang ay malaking tulong na upang ma-detect nang mas maaga ang anumang bukol o pagbabago sa dibdib.

Mahalaga rin ang ultrasound sa pagtukoy ng mga gynecologic conditions tulad ng myoma at ovarian cysts. Maraming kababaihan ang nagdurusa sa matagal na pananakit, labis na pagdurugo, at iba pang sintomas pero hindi nila alam na may lunas pala ang kanilang kondisyon.

Sa pagdiriwang ng Women’s Month, magsimula tayo sa pag-aalis ng mga hadlang: pinansyal, emosyonal, at sikolohikal, na kadalasang pumipigil sa mga kababaihan na magpatingin sa doktor.

Ang hangarin: Cease, end the cyst

Ang ating Women’s Month initiative ay bahagi rin ng mas malawak na proyektong malapit sa aking puso: Cease, End the Cyst, na nasa ikatlong taon na ngayon.

(L-R) Serge Mendoza (Special Project Chair, Rotary Club of Marikina Hilltop); Paul Camingian (President and CEO, Our Lady of Lourdes Hospital); Atty. John Good Lucky Nicolas (President, Rotary Club of Marikina Hilltop).

Noong 2024, kasama ang Rotary Club of Marikina Hilltop, itinampok namin ang proyektong ito sa aking Teleradyo program na Ang Tinig Nyo. Layunin nitong tulungan ang mga kababaihang may myoma at ovarian cysts na nangangailangan ng operasyon ngunit hindi kayang tustusan ang gastusin.

Hindi ko malilimutan ang mga kuwento ng mga naging benepisyaryo — mga inang muli nang nakakagalaw nang walang sakit, mga babaeng hindi na kailangang mangamba sa matinding pagdurugo buwan-buwan, at mga pamilyang nabunutan ng tinik nang gumaling ang kanilang mahal sa buhay. Sa likod ng bawat diagnosis ay isang buhay na naghihintay na maibalik sa normal.

Ngayong taon, mas pinalawak pa ang proyekto sa pakikipagtulungan ng Our Lady of Lourdes Hospital, sa pangunguna nina President and CEO Paul Camingian, Medical Director Dr. Kat Luna, at Chief of Clinics Dr. Jill Buensuceso.

Kasama rin sa inisyatiba ang Rotary Club of Marikina Hilltop, sa pamumuno ni President Atty. John Good Lucky Nicolas, kasama sina Past Presidents Serge Mendoza at Chuck Manansala, at Club Adviser Dra. Sharon Mendoza.

Sa ilalim ng partnership na ito, layunin naming tulungan ang mga kababaihang nangangailangan ng cyst removal surgery sa pamamagitan ng pag-subsidize ng surgical costs at laboratory tests.

(L-R) Rotary Club Past Presidents Chuck Manansala at Chicco Montaner, at Dr. Sharon Mendoza, Special Project Leader for Maternal and Child Medical Mission.

Magkakaroon ng libreng konsultasyon sa Outpatient Department ng Lourdes Hospital at sa Birthplace Clinic ni Dok Sharon. Ang mga pasyenteng may myoma, ovarian cysts, o abnormal uterine bleeding na nangangailangan ng operasyon ay maaaring maging kwalipikado sa programa.

Higit sa selebrasyon, hanggang sa serbisyo

Madalas nating marinig ang salitang empowerment tuwing Women’s Month-- at tama lamang ‘yon! Ngunit ang tunay na empowerment ay hindi kumpleto kung walang access sa serbisyong pangkalusugan.

 

Napakaraming kababaihan ang inuuna ang pangangailangan ng kanilang pamilya kaysa sa sarili nilang kalusugan. Ipinagpapaliban ang check-up dahil sa trabaho. Ipinagpapaliban ang screening dahil sa gastos. At madalas ding marinig ang “kaya pa” kahit may nararamdamang sintomas. Kapag nagpasya na silang magpatingin, madalas ay malala na ang kondisyon.

Ito ang nais nating baguhin ngayong Marso. Ang mga libreng serbisyong ito ay mga handog para sa kalusugan--- para sa prevention, early detection, at peace of mind. Ngunit tulad ng anumang handog, kailangan itong tanggapin upang tunay na makagawa ng pagbabago.

Inaanyayahan natin ang mga kababaihan na manatiling konektado sa ating social media platforms, kung saan patuloy nating ibinabahagi ang mga schedule, updates, at iba pang public service offerings, kabilang ang mental health services at iba pang wellness initiatives. Ang impormasyon ay nakapagliligtas ng buhay, at ang kaalaman ay nagbibigay kapangyarihan sa pagkilos.

Paanyaya sa bawat anak, ate, at ina

Kung binabasa mo ito ngayon, ituring mo itong paanyaya at paalala. Kung matagal ka nang hindi nakakapag-Pap smear, magpa-schedule na! Kung hindi ka pa kailanman nagkaroon ng breast exam, ngayon na ang tamang panahon. Kung may nararanasan kang hindi maipaliwanag na pelvic pain o abnormal bleeding, huwag mo itong ipagsawalang-bahala.

Bilang mamamahayag, madalas kaming mag-ulat ng mga numero at statistics. Ngunit sa public service, nakakaharap natin ang mga totoong kuwento. Sa likod ng bawat numero ay isang babaeng karapat-dapat sa pangangalaga, dignidad, at kinabukasang malaya sa mga sakit na maaaring maiwasan.

Mag-message lamang po sa aking Facebook o Instagram (@JingCastaneda) para sa karagdagang impormasyon. Sama-sama tayong kumilos para sa prevention at early detection, at pagdiriwang ng Women’s Month.

----

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda:  Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter.  Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected]. 

WOMEN EMPOWERMENT

WOMEN'S MONTH

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with