13-0 pasya ng SC parusa sa mamamayan—Carpio
Imposible nang mag-impeach, puna ni Senate President Tito Sotto sa pinal na pasya ng Korte Suprema sa impeachment ni VP Sara Duterte. Sumang-ayon sa kanya si SC senior associate justice Antonio Carpio.
Sa muling 13-0 boto nu’ng Enero, sinabi ng SC na calendar days, hindi session days, ang bilang ng deadlines na takda ng Konstitusyon:
l 10 araw para ibigay ang sakdal sa Speaker,
l 3 araw para ibigay ng Speaker sa House Committee on Justice.
Binalewala ng SC ang daan-taong tradisyon ng US at Philippine congresses. Session days ang pagbilang ng mga mambabatas para ma-“stop the clock” nila ang sesyon na itutuloy kinabukasan. Kwenta isang araw lang ang sesyon maski inabot nang kinabukasan. ‘Yon ay para maisagawa ang mga utos ng Konstitusyon at batas sa takdang araw. Pati mga provincial at city councils ay ginagawa ‘yon.
Ang pagbilang ng calendar days ay para lang sa impeachment, anang SC. Sa ibang gawain ng Kongreso ay maaring session days.
Kontra ito sa alituntunin ng “statutory construction” ng anomang batas o pasya ng korte, ani Carpio. Dapat daw ay malinaw ang depinisyon ng mga termino. Nu’ng bomoto ang taumbayan para sa 1987 Konstitusyon, batid nila ang session days na normal sa Kongreso. Hindi dapat baguhin ‘yon ngayong 2026, dagdag ni Carpio.
Parusa sa mamamayan ang bagong alituntunin ng SC, ani Carpio. Kapag hindi nagawa ng Kongreso sa takdang araw ang impeachment, maghihintay ng isang taon ang naghabla bago madinig muli. Hindi niya kasalanan kung imposible maabot ng Kongreso ang deadline.
Tinuturing sa Anti-Red Tape Act na aprobado ang hiling ng mamamayan kung hindi maaksiyonan ng ahensiya sa loob ng takdang deadline. Dapat ganu’n din sa impeachment, ani Carpio.
Walang Karapatan ang gobyerno na parusahan ang mamamayan kung ang sumablay ay ang ahensiya nito, giit ni Carpio.
- Latest



















