^

PSN Opinyon

Kailan naman ang middle class?

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Sa tuwing tumataas ang presyo ng petrolyo, parang domino na bumabagsak ang lahat. Pamasahe tumataas. Presyo ng pagkain sumusunod. Kuryente, tubig, serbisyo—lahat na­da­damay. Ang unang tinatamaan? Ang ordinaryong pa­milyang Pilipino.

Pero may isang sektor na madalas hindi napapansin: ang middle class.

Sila ang mga empleyadong buwan-buwan kinakaltasan ng buwis. Hindi puwedeng umiwas. Hindi puwedeng magtago. Bago pa nila mahawakan ang sahod nila, may bawas na agad para sa gobyerno.

Pero sa tuwing may krisis, tila sila rin ang unang nakakalimutan.

Kapag may ayuda, kadalasang napupunta sa pinakamahirap—at tama lang iyon dahil kailangan talaga nila. Pero ang middle class? Hindi raw sila mahirap. Pero sa totoo lang, hindi rin sila mayaman.

Sila ang mga pamilyang nagtitipid sa ulam kapag tumataas ang presyo ng bigas. Sila ang nagdadalawang-isip kung mag­ko-commute pa o maglalakad na lang para makatipid sa pa­masahe. Sila ang nagkakautang kapag may nagkasakit sa pamilya dahil hindi sapat ang kinikita para sa emergency.

Sa totoo lang, sila ang tahimik na nagbubuhat sa ekono­miya.

Sila ang regular na nagbabayad ng buwis. Sila ang bumi­bili ng produkto. Sila ang nagpapaikot ng negosyo at serbisyo. Kung mawawala ang lakas ng middle class, mahihirapan ding umikot ang ekonomiya.

Kaya ang tanong: hanggang kailan sila basta na lang ka­kayanin?

Hindi masamang pag-usapan kung dapat bang magkaroon ng paraan para matulungan din ang middle class sa panahon ng matinding krisis—lalo na kapag ang taas ng petrolyo ang nagpapabigat sa lahat ng gastusin.

Hindi naman kailangang maging dole-out lang ang solusyon. Puwedeng tax relief, diskwento sa transportasyon, o targeted na tulong para sa mga pamilyang malinaw na nahihirapan na rin sa pagtaas ng presyo.

Dahil sa huli, ang middle class ay hindi kalaban ng mahihirap. Hindi rin sila kaaway ng gobyerno.

Sila ang gulugod na tahimik na nagdadala ng bigat ng ekonomiya.

At kung patuloy silang mababalewala, darating ang araw na mapapagod din ang gulugod na iyan.

Kapag nangyari iyon, hindi lang middle class ang babagsak pati ang ekonomiya ng bansa.

SEKTOR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with