^

PSN Opinyon

Tipid mode ang gobyerno

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

SA gitna ng patuloy na pagmahal ng gasolina at halos lahat ng bilihin, may isang tahimik pero makabuluhang hakbang ang pamahalaan na parang sumasalamin sa mas malaking problema ng ekonomiya ng bansa. Kamakailan, nagpatupad ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng apat na araw na pasok kada linggo para sa mga empleyado sa kanilang Administration Building.

Ayon sa kautusan ni MIAA general manager Eric Ines, simula ngayon Lunes hanggang Huwebes na lang papasok ang mga empleyado mula alas-otso ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi. Biyernes hanggang Linggo, pahinga na.

Sa unang tingin, parang simpleng pagbabago lang sa schedule. Pero kung lalaliman mo ang basa, may mas ma­laki itong sinasabi tungkol sa sitwasyon ng bansa.

Hindi ito basta trip lang ng opisina. Ito’y bahagi ng panawagan ng administrasyon ni BBM sa mga ahensya ng gob­yerno na higpitan ang sinturon magbawas ng gastos sa kur­yente, gasolina, at operasyon habang tumitindi ang tensyon sa Gitnang Silangan na siyang nagtutulak pataas sa presyo ng langis sa buong mundo.

Sa madaling salita: pati gobyerno, nagtitipid na.

Hindi lang simpleng usapin ng opisina ang apat na araw na pasok. Repleksyon ito ng mas mabigat na realidad—kapag mahal ang gasolina, domino effect ang tama sa buong eko­nomiya.

Kapag tumaas ang diesel at gasolina, tumataas ang pa­­masahe. Kapag tumataas ang pamasahe, tumataas ang gastos ng manggagawa. Kapag mahal ang biyahe ng truck, tuma­taas ang presyo ng pagkain. Kapag mahal ang pagkain, lalong nababaon ang karaniwang pamilya.

Ibig sabihin, ang bawat piso na idinadagdag sa presyo ng gasolina ay parang patung-patong na pako sa bulsa ng ordi­naryong Pilipino.

Sa palengke pa lang ramdam na agad mahal na gulay, mahal na karne, mahal na bigas. Sa kalsada naman, dagdag pasahe. Sa bahay, sumisirit ang bayarin sa kuryente at gasul.

Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit pati mga ahensya ng gobyerno ay nag-iisip na ng paraan para makatipid—LED lights dito, bawas fuel allocation doon, limitadong biyahe, at kung puwede ay online meeting na lang.

Kung tutuusin, ang apat na araw na pasok ay parang simbolo ng isang mas malaking katotohanan: kahit ang mga institusyon ng gobyerno ay kailangang mag-adjust dahil sa bigat ng sitwasyon ng ekonomiya.

Sa papel, makakatipid ang gobyerno sa kuryente, air-con, at gasolina ng service vehicles. Maganda iyon sa accounting books. Pero sa labas ng opisina, ibang kuwento ang nararanasan ng mga tao.

Ang jeepney driver na halos wala nang maiuwing kita dahil sa diesel. Ang empleyadong sumasahod pero kalahati napupunta sa pamasahe at pagkain.  Ang pamilyang pinipilit pagkasyahin ang budget kahit linggo pa lang ng buwan ay ubos na.

Sa madaling salita, habang nagti-tipid ang gobyerno sa operasyon, ang mga Pilipino naman ay matagal nang nasa “survival mode.”

Hindi na ito simpleng economic statistic. Ito’y araw-araw na pakikipagbuno ng mamamayan para maitawid ang pamilya hanggang sa susunod na sweldo.

Ang hakbang ng MIAA ay maaaring praktikal at makatwiran. Walang masama sa pagtitipid ng kuryente o paghahanap ng mas episyenteng sistema.

Pero sa mas malalim na basa, para itong tahimik na paalala: kapag patuloy na sumisipa ang presyo ng langis at bilihin, hindi lang ordinaryong tao ang nag-aadjust pati gobyerno napipilitang maghigpit ng sinturon.

At kapag umabot sa puntong pati sistema ay kailangang umatras para makatipid, malinaw na may mas malaking bagyong pang-ekonomiya na umiikot sa paligid.  Ang tanong ngayon hanggang kailan kakayanin ng karaniwang Pilipino ang bigat na ito?

GOBYERNO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with