Umuusad ang impeachment hearings sa kongreso
Ngayong linggo, sinimulan ng House Committee on Justice ang pagdinig sa apat na kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, at agad itong sinabayan ng mahahalagang pangyayaring nagtakda ng direksyon ng proseso.
Una, iniatras ng mga complainant ng second impeachment complaint ang kanilang reklamo upang suportahan na lamang ang third impeachment rap. Isang kapuri-puring hakbang ito. Dahil dito, mas bibilis ang proseso at lalong lalakas ang kaso laban sa bise presidente. Higit sa lahat, iniiwasan nito ang panibagong tangka ng mga Duterte na dumulog muli sa Korte Suprema upang maantala ang proseso sa pamamagitan ng legal na teknikalidad. Malinaw ang mensahe: ang laban para sa hustisya ay hindi tungkol sa kung sino ang nagsampa ng reklamo, kundi kung paano papanagutin ang inaakusahan. Ang tawag ng hustisya ay mas mataas kaysa sa sinuman.
Pangalawa, kapansin-pansin ang naging pasya ng komite na i-set aside ang first impeachment complaint upang matiyak na walang legal delays na maaaring gamitin ang mga Duterte. Ipinakita nito ang determinasyon ng Kamara na itulak ang proseso nang walang sagabal. Isa rin itong paalala kay Sara, na maagang nagdeklara ng kanyang ambisyon na maging presidente, na ang impeachment process ay hindi maaaring takasan o impluwensyahan ng ambisyong elektoral.
Samantala, lantad ang pagtatangka ng ilang pro-Duterte lawmakers na ilihis ang pagdinig. Ang desperadong pagsingit ng kwento ng mahiwagang mga maleta ay malinaw na tangkang ilayo ang diskusyon mula sa seryosong konstitusyonal na proseso at pahinain ang kredibilidad ng hearing.
Katawa-tawa ang naging asal ni Rep. Paolo Marcoleta, na dalawang beses na binara ng komite dahil sa kanyang mga walang kabuluhang interjection, kabilang ang kanyang “premonition” laban sa impeachment complainant na si Kiko Aquino Dee. Bukod sa ipinakita ni Marcoleta ang kahinaan ng kanyang abilidad, nailantad ang desperasyon ng kanilang kampo na harangan ang paghahangad ng tao ng katarungan. Sa dulo, nagmukhang siyang kahiya-hiya sa harap ng kanyang kapwa mambabatas at sa mata ng publiko.
Sa kasalukuyan, mula sa apat na impeachment complaints, dalawa na lamang ang dinidinig. Sufficient in form ang natitirang dalawang complaints. So far, so good.
Mahaba pa ang prosesong tatahakin, ngunit malinaw na ito ay umuusad. Ipagpatuloy natin ang pagbabantay tungo sa hangarin natin na katarungan.
- Latest















