EDITORYAL - Kailan sisimulan ang mga desenteng evacuation centers?
NOONG isang araw, pumutok ang Kanlaon Volcano. Kasabay niyon, grabeng pagbaha ang naranasan sa maraming bahagi ng Mindanao. May mga gumuguhong landfill dahil sa paglambot ng lupa.
Sa loob ng isang taon, 24 na bagyo ang nananalasa sa bansa at pawang mapanira. Halimbawa rito ang Bagyong Yolanda na tumama sa mga probinsiya sa Visayas noong Nobyembre 2013 at nag-iwan nang 6,000 patay. Maraming bahay ang nawasak na hanggang ngayon, hindi pa natatapos.
Nang tumama ang Bagyong Ondoy noong Setyembre 2009, nagdulot ng pagbaha sa Metro Manila. Maraming namatay. Maraming bahay ang nasira at inanod ng baha.
Madalas tumama ang lindol sa Pilipinas sapagkat napapaligiran ito ng mga aktibong bulkan. Nakapaloob sa “ring of fire” ang Pilipinas kaya inaasahan na ang mga malalakas na lindol. Isa sa inaasahang tatama sa Metro Manila ang “The Big One” na magdudulot nang pagkamatay at pagkasira ng mga gusali at bahay.
Maraming kalamidad ang tumatama sa bansa at sa kabila nito, walang matibay at kumpleto at desenteng evacuation centers sa bawat bayan. Kapag binagyo, binaha, nilindol at pumutok ang bulkan, ang mga pampublikong eskuwelahan ang tinutuluyan ng mga kawawang mamamayan. Umaapaw ang mga school at maliliit na covered court dahil sa dami ng evacuees.
Sama-sama ang mga bata at matanda sa mga eskuwelahan. Nagkakahawahan ng sakit. Walang maayos na comfort room at banyo. Kung saan-saan umiihi at dumurumi ang evacuees. Ang matindi pa, pagkatapos gamitin ang mga school na evac centers, sira-sira na ang mga ito—wasak ang mga bintana, silya, pisara, at iba pa. Ang resulta: walang magamit ang mga estudyante. Apektado ang kanilang pag-aaral.
Sa nilagdaang 2026 national budget, P3.6 bilyon ang nakalaan para sa construction ng evacuation centers o ang tinatawag na Ligtas Pinoy Centers. Nasa ilalim ito ng pamamahala ng Department of Interior and Local Government (DILG). Hindi na ito pamamahalaan ng DPWH sapagkat nasa kontrobersiya ang tanggapan kaugnay sa maanomalyang flood control projects na hanggang ngayon, walang big fish na naparurusahan
Sana maisakatuparan na ang paglikha sa desenteng evacuation centers bago pa man dumalaw ang bagyo, maganap ang The Big One o ang mga malulubhang pagputok ng bulkan. Para rin hindi maging kaawa-awa ang kalagayan ng mga biktima ng kalamidad. Mayroon namang budget para rito kaya wala masasabing dahilan para hindi maisakatuparan ang mga ito. Iprayoridad na sana ito ng kasalukuyang administrasyon.
- Latest




















