Walang katapusang kampanya

Nang ihayag ni Vice President Sara Duterte ang plano niyang tumakbo bilang pangulo sa 2028 kahit na napakatagal pa bago ang pormal na campaign period, hindi na ako gaanong nagulat. Mas naging malinaw lang ang realidad na nakasanayan na ng mga Pilipino: para bang lagi na lang tayong nasa gitna ng kampanya.
Kahit wala pang nalilimbag na balota, nagsisimula na ang galaw ng pulitika -- pumuposisyon na ang mga kandidato, nagbibilangan na ng mga kakampi. At mukhang muli na naman nating masasaksihan ang mga lider na mas abala sa pakikipag-alyansa kaysa sa pag-aksyon, mas tutok sa diskarte kaysa sa tunay na solusyon.
Kapansin-pansin ang pahayag ni VP Sara hindi lang dahil sa aga nito, kundi dahil sa sitwasyon ngayon ng bansa. Sunud-sunod pa rin ang problema ukol sa flood control. At para sa maraming Pilipino, hindi na ito simpleng isyu — ramdam na ramdam natin ito sa ating pang-araw-araw na buhay.
Pero imbes na makita ang sama-samang pagtutok sa solusyon, ang mas naririnig natin ay ang maagang ugong ng kampanya para sa 2028.
Ang galaw ng pulitika
Mahalaga ang sandaling ito, hindi lang dahil sa mga personalidad, kundi dahil nagbabago na rin ang mga puwersang humuhubog sa ating demokrasya.
Mas maingay ngayon ang civil society. Mula sa watchdog groups hanggang sa grassroots movements at advocacy coalitions — mas malinaw ang panawagan: transparency at konkretong resulta. Hindi na sapat ang magagandang slogan. Gusto nila ng mga resibo.
Kasabay nito, nagbago na rin ang mukha ng botante.
Noong 2025 midterm elections, lampas 60% ng mga botante ay Millennials at Gen Z—mahigit 40 milyong Pilipino na nasa edad 18 hanggang 44. Hindi na ito maliit na sektor. Ito na ang sentro ng puwersang pampulitika.
Lumaki ang mga henerasyong ito sa gitna ng economic uncertainty, climate anxiety, at walang tigil na daloy ng impormasyon. Kaya malinaw ang mga prioridad nila: trabaho, edukasyon, good governance, at paghahanda sa epekto ng climate change. Hindi ito dagdag lang sa usapan — ito dapat ang sentro ng pambansang agenda.
At siyempre, nariyan ang social media —TikTok, Facebook, X, at Reddit — na naging bagong arena ng pulitika. Dito bumabango o nasisira ang reputasyon. Dito rin naririnig ang pulso ng mga botante. May mabuti itong epekto: mas maraming boses, mas maraming partisipasyon, mas matinding pagbabantay. Pero puwede ring abusuhin — disinformation, at sobrang pagkakahati-hati. Kapag mas viral ang usapan kaysa sa programa, lumalabo ang linya sa pagitan ng tunay na serbisyo-publiko at simpleng entertainment lang.
Totoo, ang maagang diskusyon sa pulitika ay puwedeng magpa-engage sa botante at magtulak ng kampanyang nakatuon sa mga isyu — kung handa ang mga kandidato na maglaban sa programa at hindi sa ingay. Pero kapag lagi na lang eleksyon ang nasa isip ng mga lider, nagiging reactive ang pamumuno, hindi visionary. Headlines ang inuuna, hindi pangmatagalang solusyon.
Ang maagang chessboard ng 2028
Matapos ang pahayag ni VP Sara, agad ding uminit ang usapan tungkol sa mga posibleng tambalan sa 2028. Sino ang kanyang magiging running mate? Sino ang kayang sumabay o tumapat? At ano ang magiging epekto nito sa direksiyon ng pulitika?
Mga posibleng ka-tandem na VP ni VP:
- Sen. Imee Marcos – Kung magkatambal sila, babalik ang alaala ng Uniteam noong 2022. Pero dahil mabilis ding nagkawatak-watak ang alyansang iyon, maaaring itanong ng botante: maikli ba talaga ang memorya ng pulitika—o pinipili lang kung ano ang tatandaan?
- Sen. Robin Padilla – Nanguna si Duterte sa VP race noong 2022, at si Padilla naman ang may pinakamaraming boto sa senatorial slate. Pero hati ang opinyon sa kanyang performance. Ang tanong -- sapat ba ang popularidad para sa mas mabigat na executive leadership.
- Sen. Bong Go – Kilala bilang malapit na aide ni dating Presidente Rodrigo Duterte, nakabuo na rin si Go ng sariling solid base. Ang tambalan nila ay maaaring magpatibay pa ng suporta mula sa mga botante.
- Sen. Rodante Marcoleta – Maaari siyang makatulong para makuha ang suporta ng isang makinaryang napatunayan nang may malaking maiaambag na mga boto.
Mga posibleng makakatunggali at mga alternatibong kandidato
- Naga City Mayor at Dating Vice President Leni Robredo kasama sina Sen. Raffy Tulfo o Erwin Tulfo – Noong 2022, napakilos ni Robredo ang maraming kabataan at volunteers. Kaya bang dagdagan ng Tulfo brand ang numerong kinulang noon?
- Robredo kasama sina Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros, o Sen. Kiko Pangilinan – Ipinakita ng 2025 midterms na may mga pagbabago sa political currents. Pero sapat ba iyon para magtagal hanggang 2028?
- Si Hontiveros mismo bilang presidential contender – May mga diskusyon na rin sa oposisyon tungkol sa posibilidad na siya ang maging standard-bearer.
- Mula sa panig ng administrasyon, binabanggit sina DPWH Sec. Vince Dizon at DILG Sec. Jonvic Remulla – pero malinaw na naka-angkla ang kanilang kapalaran sa magiging hatol ng publiko sa performance ng kasalukuyang administrasyon.
Maaga nang inaayos ang chessboard. Pero habang abala ang mga pulitiko sa kalkulasyon, patuloy namang hinaharap ng taumbayan ang mga problemang hindi pa nalulutas.
Sa mga naghahanda tumakbo: kayo ay tagapangalaga ng tiwala ng publiko, hindi contestants sa walang katapusang popularity show.
Sa mga botante — lalo na sa malakas na boses ng Millennials at Gen Z — napakalaki ng impluwensiya ninyo! Kaya ninyong baguhin ang usapan mula sa blind loyalty tungo sa masusing pagsusuri. Huwag lang tingnan ang mga pangalan; magtanong, magbantay, humingi ng konkretong plano at integridad.
Sa huli, ang tunay na sukatan ng liderato ay hindi kung gaano kaaga ang kampanya, kundi kung gaano kalalim ang pakikinig bago magsalita. Hindi tanong kung sino ang mamumuno sa 2028. Kundi kung sino -- simula ngayon -- ang handang maglingkod nang totoo.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected].
- Latest
















