EDITORYAL - Wala nang ghost classrooms

Malaki ang kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa. Tuwing umpisa ng school year, lagi na lang problema ang kakapusan sa classrooms. Maraming estudyante sa public schools ang hindi makapagsimula sa pag-aaral dahil walang classrooms na pagdarausan. Taun-taon, dumarami ang mga nag-eenrol at hindi sapat ang mga silid-aralan. Dahil kulang, pinagkakasya ang 50 estudyante sa isang classroom. Mistulang lata ng sardinas ang mga silid-aralan na nagsisiksikan. Ang pagsisiksikan o ang maraming estudyante sa classrooms ay may masamang dulot sapagkat hindi na halos makapag-concentrate ang mga mag-aaral. Mayroong hindi na marinig ang sinasabi ng guro sa unahan.
Noong Disyembre 2025, tinatayang 145,000 classrooms ang shortage. At ayon sa ibang report, darami pa ito pagsapit ng 2028. Maaring madoble pa umano ang kakulangan ng classrooms. Ang malaking kakulangan ng classrooms ay isinisisi naman sa anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Hindi natupad ng DPWH ang construction ng classrooms. Pawang “ghost classrooms” ang nangyari. Walang ipinagkaiba sa mga ghost flood control projects na matapos makuha ang bayad ay iniwan ang mga sinimulang proyekto. Pinakarami umano ang mga “ghost classrooms” sa Mindanao. Hanggang ngayon naman, wala pang napaparusahang “big fish” sa ghost projects, kabilang ang mga “ghost classroom”.
Pero sabi ni President Ferdinand R. Marcos Jr., wala na raw makalulusot na ghost projects at substandard na silid-aralan sa ilalim ng bagong Memorandum of Agreement (MOA) ng Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs). Sa ilalim daw ng kasunduan, pabibilisin ang pagtatayo ng mga classroom sa buong bansa. Tiyak daw ang kalidad ng mga classroom dahil direktang mananagot ang LGUs sa kanilang komunidad.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DepEd ang magbibigay ng pondo, teknikal na pamantayan, at disenyo, habang ang LGUs ang bahala sa procurement at konstruksyon. Naglaan ang pamahalaan ng P9.6 bilyon para sa humigit-kumulang 4,000 bagong silid-aralan.
Sabi pa ni Marcos, hindi na magkakaproblema ulit sa ghost project at hindi na substandard. Malakas daw ang loob niya na magiging maayos lahat ng gagawin.
“By giving the LGUs greater role in the implementation, we streamline the process. We reduce delays, and move faster in building schools that our children need,” aniya.
Tatandaan ng mamamayan ang sinabi ni Marcos na wala nang ghost classrooms. Mangyari sana ang sinabi niya para mawakasan na ang problema tuwing magsisimula ang pasukan.
- Latest















