^

PSN Opinyon

Senate Blue Ribbon Report: Flood control cover-up?

PULSOhan - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

Ang report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa iregularidad sa mga flood-control project ay lampas na sa usapin ng kontrata at technical specifications. Ang tunay na tanong ngayon ay institusyonal: kaya bang panindigan ng Senado ang mandato nito kapag ang katotohanan ay unti-unting umaabot sa sarili nitong hanay?

Malakas ang indikasyon na ang imbestigasyon ay ma­aaring ihinto sa antas ng komite—hindi dahil sa kakulangan ng ebidensya, kundi dahil sa political discomfort. Ilang incum­bent senators ang nadawit sa testimonya ng mga state witness, partikular sa alegasyong may mga staff na tumanggap ng “SOP” o iligal na bayad kaugnay ng flood-control projects.

Kapag ang ganitong ulat ay hindi pinahintulutang umabot sa plenaryo, hindi nito nililinis ang pangalan ng sinuman. Sa halip, pinatitibay nito ang pagdududa ng publiko. Ang pagkitil sa ulat sa komite ay nagmumukhang pagtatakip, hindi pag-iingat —isang kilos na sumasalungat sa diwa ng transparency.

Ang mga Senate committee ay hindi nilikha upang maging huling depensa ng mga nasa poder. Ang kanilang mandato ay fact-finding—sa ngalan ng batas at pananagutan. Ang wastong proseso ay iharap ang mga natuklasan sa plenaryo, kung saan ang buong Senado ang haharap sa bigat ng desisyon. Ang pagharang dito ay hindi procedural shortcut kundi pag-iwas sa kolektibong pananagutan.

Kung tunay na hinahangad ang transparency, may mali­naw na hakbang: ipatawag sa ilalim ng panunumpa ang mga staff na pinangalanan ng mga state witness bilang tumanggap ng “SOP” para sa kanilang among senador. Dapat nilang sa­gutin kung may natanggap ngang pera, kanino ito nagmula, at kung ito ba’y ipinasa sa kanilang amo. Hindi ito pamumu­litika—ito ay due process.

Mahalagang tandaan na kahit hindi umabot sa plenaryo ang ulat, hindi roon nagtatapos ang usapin. Ayon sa pahayag ng committee chair na si Sen. Ping Lacson, ang ulat ay bahagi ng opisyal na rekord at nananatiling available upon request—isang dokumentong hindi basta nabubura.

Higit dito, ang Office of the Ombudsman ay hindi nakatali sa desisyon ng Senado. May kapangyarihan si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na kumilos ‘motu proprio’ at magsagawa ng sariling imbestigasyon batay sa ebidensiyang nakalap.

Hindi akademikong usapin ang flood control. Ito ay usapin ng buhay, tahanan, at bilyong pisong pondo ng bayan. Sa huli, may ‘political memory’ ang publiko. Kung mahina ang ebidensya, hayaan itong bumagsak sa tamang forum. Kung matibay, hayaan itong magbunga ng pananagutan. Ang kabaliktaran nito ay hindi prudence—ito ay ‘abdication of duty’.

SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with