Hard’ o ‘inihaw’ na pork barrels
Hindi totoo ang sinasabi ng mga mambabatas na walang pork barrels sa 2026 national budget. Natuklasan ng People’s Budget Coalition na may nakasingit na P180-bilyong “hard” pork barrels.
May “allocables” pa rin sa DPWH. Hinanda umano ito nu’ng July 2025 nina noo’y Secretary Manuel Bonoan at USecs. Catalina Cabral at Roberto Bernardo. Bilyon-bilyon pisong balato sa mga mambabatas at Cabinet secretaries na nagpaparte ng 5 percent kickbacks sa kanila. Inamin ‘yan ni Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee nu’ng sumabog ang P1.7-trilyong flood works scandal.
Kunwari lumaki ang 2026 budget ng Dept. of Agriculture. Pero nilipat lang sa DA mula DPWH ang pondong panggawa ng farm-to-market roads. Nakakapagtaka na pare-pareho ang halaga ng bawa’t isa maski iba’t ibang haba at hugis sa iba’t ibang pook. Halatang balato ng mga mambabatas sa sarili.
Bantayan din ang mga proyektong patubig ng National Irrigation Administration. Sa NIA rin tinatago ng mga mambabatas ang pork barrel na may kickback.
Isa pang paradahan ng pork barrels ang super health centers ng Department of Health. Nu’ng 2025, 300 lang sa 600 na proyekto ang natapos. Ang labi ay pundasyon lang. Hindi pa ipinapaliwanag ng DOH kung bakit binayaran na ang mga ito maski hindi natapos. Ibinalato rin ba ang pondo sa mga mambabatas?
Puwersahin ang mga senador at kongresista na ilabas ang listahan ng flood control projects ng DPWH, farm-to-market roads ng DA, patubig ng NIA, at super health centers ng DOH. Pati proponents ilista.
Dapat mabantayan sila ng mamamayan. Huwag hayaang ibulsa ang buwis na ibinayad sa gobyerno.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest















