EDITORYAL- Malaking kakulangan sa classrooms, solusyunan

NASA 165,000 classrooms ang kulang sa buong bansa. Ang kakulangang ito ay nararapat na matapos bago magsimula ang school year 2026-2027 sa Hunyo. Kung hindi matatapos ang mga classrooms, marami na namang estudyante sa public school ang iiyak sapagkat wala na naman silang pagdadausan ng klase. Mauulit ang mga nangyari sa nakaraan. Kawawa naman kung hindi matutugunan ang kakulangan ng mga classrooms. Iprayoridad sana ito ni Education Sec. Sonny Angara. Kung mapaprayoridad ang pagpapagawa o pagpapatapos sa mga classrooms, malaking tulong sa mga estudyante at guro.
Kamakalawa, nakipagpulong si Angara sa mga mayors ng Metro Manila at tinalakay nila ang malaking kakulangan ng classrooms sa rehiyon. Ayon kay Angara, ang NCR ay may kakulangang 25,000 classrooms. Sa pulong na iyon naging pinal ang partnerships ng DepEd at LGUs para sa pagpapagawa ng mga classrooms sa ilalim ng 2026 national budget. Sa pagtutulungan ng DepEd at LGUs, inaasahang mapapabilis ang pagpapagawa ng mga classrooms.
Ayon sa DepEd data, ang Calabarzon ang may pinakamataas na kakulangan sa classrooms na umaabot sa 31,000, sinundan ito ng National Capital Region na may 24,847 at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na 13,237. Ang Luzon ay tinatayang may kakulangang 165,443. Ang iba pang region na may classroom shortages ay Central Luzon, Central Visayas, Bicol, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Zamboanga Peninsula.
Hindi na mahihirapan ang DepEd na magpagawa ng mga classrooms sapagkat isa ito sa mga tanggapan ng gobyerno na nakakuha ng malaking budget para ngayong 2026. Nakakuha ang DepEd ng P1.35 trilyon sa 2026 General Appropriations Act (GAA). Kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Pilipinas na ang sector ng edukasyon ay napaglaanan ng mahigit apat na porsiyento ng taunang budget. Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na gagamitin ang budget para makapagbigay ng may kalidad na edukasyon sa mga kabataan sa buong bansa. Gagamitin din umano ang budget para sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan. Mula nang mabulgar ang anomalya sa flood control projects sa DPWH, nilipat na sa DepEd ang pagpapagawa ng mga eskuwelahan. Nagkaroon ng anomalya sa pagpapagawa ng classrooms.
Hindi na sana maging kawawa ang mga estudyante sa public school na tuwing umpisa ng pasukan ay nagkukulang sa silid-aralan. Tapusin na ang kalbaryo. Kapag may silid-aralan, huhusay na rin ang mga estudyante at hindi na magiging kulelat.
- Latest
















