EDITORYAL — ‘Mahiya ka naman’

“Hindi ko po masabi kung magkano po kasi para sa akin po, parang kami po ang nanakawan. Parang ibig sabihin, parang modern day na pagnanakaw. Ibig sabihin, ‘yung nakaw ba, siya pa ang magbibigay ng pera dun sa ninakawan niya? Parang ganu’n po.”
‘Yan ang sagot ni Curlee Discaya sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes makaraang tanungin ni Sen. Rodante Marcoleta kung magkano ang hiniling na isasauling pera para mapasama sa Witness Protection Program (WPP). Si Curlee ay asawa ng contractor na si Sara Discaya na kasalukuyang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail, Mactan, Cebu dahil sa graft at malversation of public funds kaugnay sa P96.5-bilyong flood control ghost project sa Davao Occidental.
Ayon pa kay Curlee, wala raw nabanggit na restitution noong una subalit ito ay napag-usapan nang sumunod na pagpupulong.
Ang mga sinabi ni Curlee ay pinalagan ni Department of Justice (DOJ) Prosecutor General Richard Fadullon. Kasinungalingan, ayon kay Fadullon ang mga sinabi ni Curlee dahil hindi umano sinabihan ang mga ito na agad-agad na magsauli ng pera. Ayon kay Fadullon, kailangang makita muna kung ano ang gusto at kayang sabihin at patunayan ng mag-asawang Discaya sa kanilang mga salaysay. Ayon pa sa Prosecutor General, hindi umano nakikipag-ugnayan sa departamento ang mag-asawang Discaya kaya hindi sila mabigyan ng kaukulang proteksiyon at hindi maproseso ang aplikasyon para sa WPP.
Maraming umalma sa sinabi ni Discaya, kabilang na si Sen. Risa Hontiveros. Sabi ni Hontiveros, “Parang kanina, lahat po tayo physically nagitla doon sa sinabi ni Mr. Discaya na parang sila pa ‘yung nanakawan”. Hiniling ni Hontiveros kay Discsaya na isumite ang project lists na hinihingi nila noon pa.
Pero mas matindi ang sinabi ni DPWH Sec. Vince Dizon kay Discaya. “Medyo makapal din naman ang mukha nitong si Curlee Discaya. Kitang-kita naming lahat ang ebidensiya laban sa kanila tapos ang lakas pa ng loob magsabi na sila ang nanakawan.” Sabi pa ni Dizon kay Discaya na harapin na lamang nito at ng asawang si Sarah ang kanilang kaso at isauli ang pera ng taumbayan.
Nakakahiya sa taumbayan ang sinabi ni Discaya. Hindi na nakapagtataka na magkaroon muli ng mga kilos protesta para ipursigi na maipakulong ang lahat ng mga sangkot sa flood control projects. Lalo lamang pinasisiklab ng mga binitawang salita ni Discaya ang damdamin ng taumbayan para muling mag-rally. Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang pagmamartsa ng taumbayan para mapanagot ang mga kurakot. Posibleng maulit ito ngayon.
- Latest



















