EDITORYAL - Isakatuparan, paglikha ng evacuation centers

NAG-AALBOROTO ang Mayon Volcano, ganundin ang Kanlaon at ang Taal Volcano. Nagpapatuloy din naman ang masamang panahon sa ibang bahagi ng bansa na nagdudulot ng pagbaha. Kamakalawa, gumuho ang landfill sa Cebu City na ikinamatay ng apat katao at marami pa ang hinahanap na pinaniniwalaang nalibing nang buhay. Lumambot ang landfill dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Ang Pilipinas ay laging dinadalaw ng mga kalamidad. Sa loob ng isang taon, 24 na bagyo ang nananalasa at pawang malalakas at mapanira. Halimbawa rito ang Bagyong Yolanda na tumama sa mga probinsiya sa Visayas noong Nobyembre 2013 at nag-iwan nang maraming patay. Maraming bahay ang nawasak.
Nang tumama ang Bagyong Ondoy noong Setyembre 2009, grabeng binaha ang Metro Manila. Maraming namatay. Maraming bahay ang nasira at inanod ng baha.
Madalas tumama ang lindol sa Pilipinas sapagkat napapaligiran ito ng mga aktibong bulkan. Nakapaloob sa “ring of fire” ang Pilipinas kaya inaasahan na ang mga malalakas na lindol. Isa sa inaasahang tatama sa Metro Manila ang “The Big One” na magdudulot nang pagkamatay at pagkasira ng mga gusali at bahay.
Maraming kalamidad ang tumatama sa bansa at sa kabila nito, walang matibay at kumpleto at desenteng evacuation centers sa bawat bayan. Kapag binagyo, binaha, nilindol at pumutok ang bulkan, ang mga pampublikong eskuwelahan ang tinutuluyan ng mga kawawang mamamayan. Umaapaw ang mga school at maliliit na covered court dahil sa dami ng evacuees.
Sama-sama ang mga bata at matanda sa mga eskuwelahan. Nagkakahawahan ng sakit. Walang maayos na comfort room at banyo. Kung saan-saan umihi at dumurumi ang evacuees. Ang matindi pa, pagkatapos gamitin ang mga school na evac centers, sira-sira na ang mga ito—wasak ang mga bintana, silya, pisara, at iba pa. Ang resulta: walang magamit ang mga estudyante.
Sa nilagdaang 2026 national budget, may nakalaang P3.6 bilyon para sa construction ng mga evacuation centers o ang tinatawag na Ligtas Pinoy Centers. Nasa ilalim ito ng pamamahala ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Hindi na ito pamamahalaan ng DPWH sapagkat nasa kontrobersiya ang tanggapan kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Sana naman sa pagkakataong ito ay maisakatuparan na ang paglikha sa evacuation centers upang hindi maging kaawa-awa ang kalagayan ng mga biktima ng kalamidad. Ipatupad ang RA 12076.
- Latest















