^

PSN Opinyon

Ayusin ang sistema, hindi ang pulitika

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

LINAWIN ko. Ang kalusugan ay karapatan, hindi pabor ng pulitiko. Pero sa Pilipinas, matagal nang binaliktad ang sis­temang ito. Sa halip na awtomatikong tulong, ang mahihirap ay pinapipila, pinaghihintay, at pinagmumukhang may utang na loob lahat dahil sa tinatawag na guarantee letter (GL).

Sa ngayon, tuloy pa rin ang pagtanggap ng mga ospital sa GL habang wala pang bagong Administrative Order para sa Medical Assistance to Indigent and Financial Incapacitated Patient (MAIFIP).

Sabi nga ng DOH, puwede pa ring mag-isyu ng GL ang mga pulitiko pero dapat sila ang magbayad, hindi ang pondo ng MAIFIP. Ibig sabihin, kung gusto nilang tumulong, gawin nila pero huwag gamit ang pera ng bayan para sa sariling pulitika.

Malaki ang pera sa usaping ito. Ngayong 2026, P51.6 bilyon ang pondo ng MAIFIP, mas mataas ng 25 percent kum­para noong nakaraang taon. Halos kapantay na nito ang P53.13 bilyon na subsidiya sa PhilHealth.

Kaya ang tanong: bakit parang band-aid pa rin ang sistema ng kalusugan?

Dati, ang MAIFIP ay tulong talaga sa mahihirap. Pero kala­unan, naging health pork barrel. Sa pamamagitan ng GL, ginawang personal na pabor ng mga pulitiko ang dapat sana’y serbisyong ibinibigay ng estado.

Ang ending: ang may sakit, parang nanlilimos; ang pulitiko, parang tagapagligtas.

Mas masakit, sinasabi ng mga kritiko na sinisira nito ang Universal Health Care (UHC). Sa halip na palakasin ang PhilHealth, hinihila palayo ang pondo, kaya lalong nagiging kulang ang benepisyo.

Kaya nga may mga ospital na P100,000 ang bill, pero P5,000 lang ang sagot ng PhilHealth. Ano’ng laban mo roon?

Dito pumapasok ang kuwento ng mga pasyente tulad ni Rey Abacan Jr., tagapagtatag ng Dialysis PH Support Group. Estudyante pa lang siya nang tamaan ng stage 5 kidney disease.

Noong 2010, 45 dialysis session lang kada taon ang sagot ng PhilHealth. Kulang na kulang. Kailangan pa ng pera sa pamasahe, gamot, at gamit sa dialysis.

Kaya napilitan siyang mangolekta ng GL sa Senado, Kongreso, at PCSO tuwing tatlong buwan umaabot noon sa P40,000 hanggang P60,000. Pero kapalit nito ang mahabang pila, minsan mula gabi hanggang umaga. Kapag naubusan ng slot, uwi ka wala kang tulong.

Ngayon, may online na raw ang iba. Mas madali, oo. Pero mas maliit na ang halaga P3,000 hanggang P5,000 na lang. Marami ang aplikante, kakaunti ang pondo. At sabi nga ni Abacan malaking tulong pa rin ang GL, pero luma na ang sistema. Ginagamit na ito sa pulitika.

“Para kang namamalimos. May sakit ka na nga, kailangan mo pang magmakaawa.”

Kaya ang punto rito ay simple lang huwag basta putulin, huwag basta ilipat. Hindi rin solusyon na ibigay agad lahat ng pondo ng MAIFIP sa PhilHealth kung butas-butas pa rin ang benepisyo.

Ang tama ayusin muna ang sistema. Ayusin ang PhilHealth palawakin ang coverage, taasan ang packages, gawing totoo ang UHC. Saka dahan-dahang alisin ang GL.

Dahil hangga’t may GL, may pulitikong magpapapogi. Hangga’t may pulitikong nagpapapogi, may pasyenteng mapipilitang yumuko.

At sa isang bansang may dignidad, walang mamamayang dapat yumuko para lang mabuhay.

Disklaymer: Ang opinyong ito ay isang malayang pagsasalin at komentaryo batay sa mga ulat at pahayag ng mga sangkot sa isyu. Layunin nitong magpahayag ng pananaw sa pampublikong patakaran at hindi manira ng sinumang indibidwal o institusyon. Ang nilalaman ay saklaw ng malayang pamamahayag at pananagutang sibiko.

POLITIKA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with