^

PSN Opinyon

‘Panambitan’ ni Rio Alma

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

MAPALAD tayong pinahintulutan ni National Artist Virgilio S. Almario na ilathala ang kanyang tula. Namnamin.

Panambitan

Sa harap ng pangil, nanginig ang bulan;

Lumuha ang saksing hamog;

Lumungayngay ang puyat na duklay

Kasabay ng malamlam mong paálam.

Bakit kailangang sakmalin ng bakunawa

Kung kailan kabilugan ang bulan?

Walang anghel na makauunawa sa himutok

Ng mga bituin ngayong hatinggabi

Ng dalamhati.

Kahit ang kandila’y hindi maláy sa dahilan

Ng pagtirik ng masaganang ningas.

At bakit pa?

Hindi ito tayutay ng pagmamalabis

Sa halimaw na sumasakmal sa ilang totoong silahis.

Mahal, ako lámang ang nakababatid

Sa kalatas ng pagwawakas ng liwanag;

Ako lámang ang nag-iisang tanod

Ng simoy na tigib sa pighati ang hilaga’t timog;

Ang ulilang tanod sa sanlibo’t isang bulalakaw

Na naghihingalo’t walâng buntot, kumakatok

Sa kalawakan ng iyong saradong dibdib.

Oo, ako lámang ang tatanggap sa hiwaga

Ng mga nanlamig ngayong sapot ng hinalà’t pangamba,

At sandakot na talinghaga ng umagang

Maulap at malapot sa magdamag na buntonghininga.

Ako lámang.

Mas kilala si Almario sa panagisag niyang Rio Alma. Hinirang siyang Pambansang Alagad ng Sining nu’ng 2003 bilang mangangatha, manunula, kritiko, tagasalin, patnugot, at guro. Dati siyang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng National Commission for Culture and the Arts.

MAPALAD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with