‘Pamasko o panuhol?’
MAY sobre na dumating. Hindi papel, hindi imbitasyon kundi tseke. Tahimik ang loob, pero maingay ang galaw. May kumuha ng litrato, tapos biglang nagkagulo. Tawagan, pakiusap, panic. “Huwag ilabas.” Sa simpleng linyang ’yan, nabunyag ang totoo: kapag may tinatago, may mali.
Ang kuwento sa labas, para raw sa “pang-Pasko ng distrito.” Pero ang timing, sakto sa araw ng botohan. Parang paalala andito ang biyaya, siguraduhin n’yo lang na may quorum.
Walang diretsahang sabi, pero malinaw ang galawan. Kapag sabay ang sobre at boto, huwag nang magpanggap na nagkataon lang.
May isang tumanggi. Isa lang. Ibinabalik ang tseke, sinasabing hindi niya kayang lunukin ang ganitong sistema. Simula pa raw buwan-buwan na ang tanong niya, bakit may pamasko kung dapat serbisyo ang trabaho?
Bakit lihim kung malinis? At dahil may nag-ingay, nagsimula ang gulo.
Sa isang panig, may boses na nagsasabing huwag palakihin black hole raw, sayang oras. Sa kabila, may depensang teknikal soft copy lang daw, madaling galawin, kulang sa konteksto.
Legal na salita, malamig, parang pampatay-ingay. Pero sa kalsada, iba ang basa kapag puro dahilan, baka may iniiwasan.
Hindi pa tapos diyan. May banta na ngayon ng kaso. Sinasabing may files na kinuha, may opisina raw na pinasok, may awtoridad na inaangkin pero itinatanggi ng itaas.
Sabi ng ilan, sapilitan daw. Sabi ng kabila, karapatan. Sino ang nagsasabi ng totoo? Sa gitna, publiko na naman ang nanonood at nagbabayad.
Ang masakit hindi na ito bago. Bonus na hindi matawag na bonus. Pamasko na galing sa kaban. Katahimikan na binibili ng tseke. At kapag may umalma, siya ang problema.
Hindi ito kuwento ng isang tao. Kuwento ito ng sistema na sanay sa dilim, at nagugulat kapag may nagbukas ng ilaw. Sa huli, tanong ng kalsada kung walang mali, bakit kailangang itago?
DISKLAYMER: Ang artikulong ito ay isang opinyon at komentaryong panlipunan na nakabatay sa mga ulat na lumabas sa midya at pampublikong pahayag ng mga sangkot.
Hindi ito naglalayong manira ng pagkatao ng sinuman kundi maglahad ng kritikal na pananaw sa mga isyung may malinaw na public interest.
Ang mga paglalarawan ay estilong pampanitikan at salitang-kalye upang ipahayag ang damdamin ng mamamayan, at hindi dapat ituring bilang pahayag ng tiyak na krimen o hatol.
Ang lahat ng indibidwal ay pinahahalagahan ang karapatang magsalita at sagutin ang mga paratang sa tamang proseso ng batas.
- Latest















