EDITORYAL - May pag-asa sa kabila ng mga trahedya

Maraming masamang nangyari sa bansa sa nakalipas na 2025. Sunud-sunod ang mga malalakas na bagyo na ikinasawi nang maraming Pilipino. Maraming bahay ang nawasak at tinangay ng baha. Malaking halaga ng mga pananim ang napinsala. Aanihin na lamang ang mga palay at mais subalit tinangay ng baha. Pati mga hayop na katulong ng mga magsasaka sa pagbubukid ay mga nalunod.
Sunud-sunod din ang tumamang lindol sa maraming bahagi ng bansa. Pinakagrabe ang tumama sa Cebu na ikinamatay nang maraming tao. Maraming nawasak na gusali, simbahan at mga bahay. Mayroong mga nalibing nang buhay. Sa isang iglap, nawasak ang pangarap.
Sunud-sunod din ang mga pagputok ng bulkan. Ang mga residente na nakatira malapit sa Bulkang Taal ay hindi na napanatag sa madalas na pag-aalburuto. Kapag nagbuga ng usok ang Taal, nangangamba na ang mga tao sapagkat senyales iyon na kailangan nilang lumikas. Marami nang napinsala ang Taal Volcano na isa sa mga pinaka-akltibong bulkan, tulad din ng Bulkang Mayon.
Nagkasunud-sunod din ang mga sunog ng nakaraang taon at marami ang namatay. May mga nakulong sa kuwarto at hindi na nakalabas. Karamihan sa mga namatay sa sunog ay mga bata.
Ang 2025 din ay taon na maraming namatay dahil sa mga aksidente sa kalsada. May mga bus na nahulog sa bangin dahil nawalan ng preno; kotse na bumangga sa kasalubong na truck at mga motorsiklo na sumasalpok sa poste ng kuryente at haligi ng flyover.
Ang matinding naranasan ng halos lahat ng mga Pilipino ay ang sumabog na multibilyong pisong katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaugnayan sa flood control projects. Daming private contactors, pulitiko at mga opisyal ng DPWH ang kasangkot. Pati mismong ang DPWH secretary ay dawit sa anomalya.
Ilang beses nagdaos ng rally ang maraming grupo na kumukondena sa katiwalian. Pinanawagan ang mabilisang pagpapakulong sa mga sangkot na opisyal ng DPWH, pulitiko at mga contractor. Sa kasalukuyan, isang contractor pa lamang at walong iba pa ang nasa likod ng rehas. Wala pang “malaking isda” na nahuhuli at napapanagot sa mga ninakaw na pondo. Walang nakaalam kung kailan makukulong ang mga magnanakaw o hindi na.
Sa kabila ng mga trahedya na naranasan na pawang mga maralita ang naapektuhan, marami pa ring Pilipino ang naniniwalang ang 2026 ay magiging maganda para sa kanila. Malaki pa rin ang pag-asa na magiging mabunga at magbabago ang lahat ngayong 2026—lalo na ang pagkadurog ng katiwalian sa pamahalaan.
- Latest




















