Pagmamaneho nang walang lisensiya
Ang pagmamaneho nang walang lisensiya ay maaaring magdulot nang malaking problema sa trabaho, tulad ng nangyari sa kaso ni Robin.
Si Robin ay nagtatrabaho sa isang multinational bottling company nang higit 18 taon, mula sa pagiging assistant mechanic hanggang sa pagiging advertising foreman.
Isang araw, habang minamaneho niya ang company truck para mag-install ng panel signs, aksidenteng nadaplisan ang isang 10-anyos na batang babae.
Napinsala ang bungo ng bata at kinailangan ng operasyon. Nanatili siya sa ospital nang isang buwan at umabot ang gastos sa P19,534.45.
Bagaman may insurance ang truck, hindi sinaklaw ng insurance ang gastusin nang malaman ng pulisya na si Robin ay nagmamaneho nang walang lisensya noong panahon ng aksidente.
Nagsagawa ang kompanya ng sariling imbestigasyon at binigyan si Robin ng pagkakataong magpaliwanag.
Napag-alaman na pinagbawalan na pala siyang magmaneho dahil nawala ang kanyang lisensiya. Nakapagmaneho lamang siya muli matapos makakuha ng bagong lisensiya, na ipinakita lamang isang linggo matapos ang aksidente.
Ayon sa patakaran ng kompanya, ang empleyado na nagdulot ng pinsala na higit sa P5,000 ay maaaring tanggalin sa trabaho. Dahil umabot ang pinsala sa mahigit P19,000, si Robin ay tinanggal sa trabaho.
Ang pagkakatanggal ni Robin ay batay sa alituntunin ng kompanya. Ito nga ang una niyang paglabag, subalit ang dulot nitong pinsala sa kompanya ay humigit pa sa P5,000, kaya may karampatang desisyon sa kanyang pagkakatanggal.
Ayon sa Labor Code (Artikulo 282), maaaring putulin ang serbisyo ng empleyado dahil sa kusang hindi pagsunod. Ito ay may dalawang elemento: sinadyang maling kilos o intensyonal na paglabag, at ang nilabag na patakaran ay makatwiran, legal, at malinaw sa empleyado.
Sa kaso ni Robin, nagmamaneho siya nang walang lisensya, isang malinaw at intensyonal na paglabag na may kaugnayan sa kanyang tungkulin.
Gayunman, dahil ito ang unang paglabag ni Robin sa loob ng 18 taon, may karapatan siyang tumanggap ng separation pay na katumbas ng kalahating buwanang sahod bawat taon ng serbisyo (Aparente Sr., vs NLRC 117652 April 27, 2000).
- Latest




















