Gen Z: henerasyong binabago ang mundo
AKTIBISTANG henerasyon ang mga Gen Z. Sila ‘yong mga isinilang nu’ng 1997-2012. Mga edad 13-28 sila ngayon.
Sa Bangladesh nu’ng Agosto 2024 pinalayas ng mga Gen Z sa bansa ang tiwaling prime minister. Sa Korea nu’ng Disyembre 2024 sinimulan nila kontrahin ang martial law ng presidente hanggang mapabagsak ito nu’ng Marso 2025.
Sa Indonesia nu’ng Pebrero-Agosto 2025, Gen Z ang nag-demonstrasyon para ihinto ng parliament members ang pamimigay sa sarili ng malalaking pabahay.
Sa Nepal nu’ng Setyembre pinatalsik nila ang prime minister na nagbawal ng Internet. Sumunod pinatalilis nila ang abusadong presidente ng Madagascar.
Matindi ngayon ang protesta ng kabataan kontra mga maling palakad sa Morocco, Peru, Chile.
Lumaking mulat ang isip ng mga Gen Z. Batid nila ang malaking agwat ng mayaman at mahirap. Galit sila sa mga abusadong politiko. Nag-aalala sila sa climate change na sumisira sa mundong mamanahin.
Maraming nag-aanalisa kung bakit aktibo sa lipunan ang Gen Z. ‘Di tulad ng Gen Y, mga isinilang nu’ng 1981-1996, na ngayo’y mga tahimik na nagpapayaman. ’Di rin tulad ng mga Gen X, 1965-1980, na pa-retiro na.
Nagsisikap mag-aral at mag-hanapbuhay ang mga Gen Z. Pero konti lang ang job openings. Napapalitan pa sila ng robot at Artificial Intelligence. Kaya dapat makialam na sila sa lipunan.
Sa United States nu’ng 2024 pinapanalo nila si Donald Trump sa paniwalang uunlad ang ekonomiya. Mali sila. Nu’ng Nobyembre pinapanalo nila bilang mayor ng New York City ang isang migranteng Muslim na sosyalista – kabaliktaran ni Trump.
Saan kaya dadalhin ng Gen Z ang magulong Pilipinas?
- Latest



















