^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Wala pang ‘malaking isda’ sa kabila ng rehas

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Wala pang ‘malaking isda’ sa kabila ng rehas

ISANG “maliit na isda” lamang ang nadala sa kulu­ngan, malayo sa pangako na may “malalaking isda” ang makukulong bago sumapit ang Pasko. Kahapon, ipinagdiwang ang Pasko at naging “merry” pa rin ang Christmas ng mga sangkot sa maanomalyang flood control projects na umaabot sa multi-bilyong piso.

Tanging ang private contractor na si Sarah Discaya at walong iba pang akusado ang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail, Mactan, Cebu dahil sa graft at malversation of public funds kaugnay sa P96.5-bilyong flood control ghost project sa Davao Occidental. Ikinulong sila noong Disyembre 20. Agad namang humiling si Discaya na ibalik sila sa NBI detention facility sa Pasay City. Wala pang sagot ang korte sa request ni Discaya.

May nakulong nga bago mag-Pasko, pero hindi “malaking isda”. Hindi malilimutan ang pangako ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. na sa kulungan magseselebreyt ng Pasko ang mga sangkot sa flood control scam. Wala raw “merry” sa Pasko ng mga korap.

Kailan kaya maitatapon sa kabila ng rehas ang mga “malalaking isda”? Sa Pasko ng Pagkabuhay kaya? O sa susunod na Pasko?

Hanggang ngayon hindi pa nahuhuli si dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co. Si Marcos Jr. mismo ang naghayag na kanselado na ang passport ni Co na pinaniniwalaang nasa Portugal. Bilang na raw ang araw ni Co at lumiliit na ang hinahakbangan.

Naglabas ng mga serye ng video si Co noong Oktubre. Sa unang bahagi ng video, sinabi ni Co na sina President Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng P100 bilyong insertions sa 2025 budget. Ginamit umano siya ng dalawa. Ang mga ito rin umano ang nagpayo na manatili siya sa ibang bansa at maghintay sa mga susunod na hakbang.

Sa ikalawang bahagi ng video, ibinunyag ni Co na siya mismo ang nagdala ng male-maletang pera kay Marcos at Romualdez sa mga bahay nito sa Forbes Park at nagdala rin siya sa Malacañang.

Siya raw at kanyang mga security ang nag-deliver ng pera at meron daw itong record. Wala raw perang napunta sa kanya. Lahat daw nang insertion sa 2025 budget ay napunta kay PBBM. Ipinakita rin ni Co ang video ng mga maleta na pinaglagyan umano ng perang idiniliber ng kanyang dating aide na si Orly Guteza sa Malacañang at Forbes Park.

Nasaan na ang “malaking isda” na si Co at iba pang mga pulitikong isinasangkot sa flood control scam? Hinihintay ng taumbayan na “malalaking isda” ang ipapasok sa kabila ng rehas. Tuparin ang mga ipinangako.

REHAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with